(Pagpapatuloy…)
HUWAG magbigay ng personal na impormasyon sa mga taong hindi mo pinagkakatiwalaan o hindi gaanong kilala, kahit na tunog legit pa sila kung magsalita. Kasama na rito ang mga detalye ng iyong bank account at credit card. At napaka-importante na huwag magpadala ng pera kahit kanino hangga’t hindi beripikado ang mga detalye ng tatanggap at ng transaksyon mismo. Kung minsan, ang bank account mo mismo ang makokompromiso kung papasok ka sa mga transaksyong kaduda-duda.
Sa rami ng mga online business ngayon, minsan ay mahirap masabi kung alin ang legit at alin ang hindi. Kaya naman mahalaga na maglaan ng panahon para i-check ang kanilang background, basahin ang mga feedback at review ng mga kostumer. At pag-aralan din kung paano makikilala ang mga fake reviews.
Kung ang isang bagay ay hindi kapani-paniwala dahil masyadong positibo o maganda (too good to be true), mag-ingat dahil malamang ay hindi totoo ito. Huwag basta-basta maniwala sa pangako ng mabilis at malaking balik ng iyong puhunan, at sa mga kwento ng pagyaman na mahirap paniwalaan. Alam ng mga matatalinong negosyante na walang shortcut sa tagumpay.
Kung ang isang kompanya ay nagpalit ng pangalan nang walang mahalagang dahilan, o kung ang isang kompanya ay walang pisikal na opisina, red flag ang mga ito. Kung gumagamit ito ng recruitment scheme, mag-ingat. O kung pinakitaan ka ng isang investment plan na hindi mo maintindihan, huwag basta-basta kumagat. Siyempre, warning signs lang ang mga ito. Pag-iingat lamang ang mahalaga kung ikaw man ay maharap sa ganitong sitwasyon.
Bilang panghuli, huwag ilagay ang lahat ng investment sa isang bagay lang. Kumbaga, mag-diversify. Mas mababawasan kasi ang risk kapag ganito at mas tataas din ang posibilidad na mas kumita ng malaki ang iyong pera. Kung sakaling mailagay mo ang lahat-lahat sa isang investment scam, mawawala rin ang lahat-lahat sa iyo.