(Bago magtaas ng terminal fee) SERBISYO SA NAIA AYUSIN MUNA

NAIA

IGINIIT ni Senadora Grace Poe na dapat ayusin muna ang serbisyo bago ipatupad ang planong pagtataas sa terminal fee o passenger service charge sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Ito ang naging reaksiyon ng Senadora kaugnay sa ipapataw na pagtaas sa terminal fee ng Manila International Airport Authority (MIAA) sa NAIA.

Ani Poe, ang terminal fee ay tinatawag ding “Passenger Service Charge”.

Ibig sabihin, sinisingil ito para masigurong ligtas at maayos ang serbisyo sa mga bumibiyahe.

Kaya’t dapat ay pagbutihin muna ng MIAA ang nararapat na serbisyo sa mga pasahero ng paliparan.

Tinukoy ni Poe na hindi pa nga nareresolba ang mga problemang lumutang ng sumadsad ang Xiamen Airline kung saan naparalisa ang operasyon ng paliparan ng 36-oras.

Ani Poe, chairman ng Senate committee on public services na ang sinabing mga na-stranded na pasaherong tumestigo sa pagdinig ng Senado na napakagulo ng sitwasyon at hindi sila naasikaso ng maayos noon.

Binigyang diin pa ng Senadora, dapat na nagsagawa muna ng public consultation bago ipatupad ang pagtaas ng singil sa terminal fee dahil sa mayroon pang milyon-milyong piso ang hindi pa naibabalik na terminal fee sa mga pasahero. VICKY CERVALES

Comments are closed.