TARGET ng National Irrigation Administration (NIA) na makapagtayo ng 50 dams sa buong bansa bago matapos ang termino ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ito ay alinsunod na rin sa utos ni Pangulong Marcos na pabilisin ang konstruksiyon ng mga dam na hindi lamang gagamitin sa patubig o irigasyon kung hindi para sa pagtiyak ng sapat na water supply, para sa tubig inumin, at maging sa power generation.
“Ang gusto ng ating Pangulo ay mag-shift tayo from flood control to water management,” ani NIA Administrator Eduardo Guillen
Kaya target ng NIA na pabilisin ang konstruksiyon ng mga dam sa bansa sa loob ng tatlong taon kung saan ngayong 2024 ay balak ng ahensya na makapagtayo ng 10 dams .
Kabilang sa mga nakalatag na proyekto ng NIA na inaasahan nitong makukumpleto ang 20 medium-term projects at tatlong long-term projects hanggang sa 2028.
Ayon kay Guillen, ang mga hakbang ay sa gitna ng pahayag ni Pangulong Marcos na mas maraming dam ang itatayo upang resolbahin ang ‘water challenges’ ng bansa.
Paliwanag nito, ang “High dams or those spanning 100 meters have multiple uses in flood control, irrigation, power generation, aquaculture, bulk water, floating solar, and tourism.”
“Kaya tayo nagkakaproblema ay ‘yung mga malalaking dam na inaasahan natin ngayon… itinayo ito 50 years ago… Unfortunately, hindi na natin ‘yan sinundan ng mga ganitong proyekto.”
Bagama’t ang Pilipinas ay mayroong high dams, sinabi niya na ang mga ito ay itinayo mahigit 50 taon na ang nakalilipas at hindi na pinalawak o nasundan pa.
Positibo si Guillen na matutupad ito ng ahensiya bunsod ng ipinagawa nitong design and build manual para mapabilis ang konstruksiyon ng mga dam.
“Maso-shorten niya ‘yung implementation ng dam from conception to actual construction by 3 years,” aniya.
Ang pagtatayo ng mga karagdagang dam ang nakikitang solusyon ng pamahalaan para tugunan ang water deficit sa bansa, lalo na sa panahon ng El Niño o matinding tag-init.
Dagdag pa ni Guillen na bukod sa pagtatayo ng mga high dams ay nais din ni Pangulong Marcos na tutukan ng NIA ang water management.
Samantala, sa kasalukuyan ay sinisimulan na ng NIA ang pagtatayo ng Bayabas Dam, Maringalo Dam, Alimit Dam at Tumauini Dam.
VERLIN RUIZ