(Bagong 14-year high)INFLATION BUMILIS PA SA 8.1%

BSP-INFLATION

BUMILIS pa ang inflation noong nakaraang buwan, pumalo sa bagong 14-year high, sa likod ng mataas na presyo ng pagkain, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).

Naitala ang inflation noong December 2022 sa 8.1%, mas mabilis sa 8.0% rate noong November 2022, at pinakamabilis magmula nang maitala ang 9.1% noong November 2008.

Ang numero noong nakaraang buwan ay pasok din sa projection rate ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na 7.8% hanggang 8.6%.

Ang December print ay naghatid sa year-to-date average sa 5.8%, mas mataas sa target ng gobyerno na 2% hanggang 4%.

“Ang pangunahing dahilan ng mas mataas na antas ng inflation nitong Disyembre 2022 kaysa noong Nobyembre 2022 ay ang mas mabilis na pagtaas ng presyo ng Food and Non-Alcoholic Beverages,” ayon kay National Statistician at PSA chief Claire Dennis Mapa.

Sinabi ni Mapa na ang Food and Non-Alcoholic Beverages index ay nagtala ng 10.2% inflation at 38.9% share sa overall inflation sa bansa.

“Ang nag-ambag ng malaki sa pagtaas ng inflation ng Food and Non-Alcoholic Beverages ay ang mas mabilis na pagtaas ng presyo ng mga vegetables, tubers, cooking bananas at iba pa… partikular ang repolyo, bigas, at fruits and nuts, tulad ng saging,” Mapa said.

Ang inflation rate para sa vegetables, tubers, plantains, cooking bananas at pulses ay nasa 32.4%, ang pinakamataas magmula noong February 1999, nang pumalo ito sa 44%.

Ayon sa PSA, ang sibuyas na bahagi ng vegetables group ay nag-ambag ng 0.3 percentage point sa overall inflation, na kapareho ng level ng bigas.

Noong nakaraang buwan, ang presyo ng pulang sibuyas ay pumalo sa mahigit P700 kada kilo sa ilang pamilihan sa Metro Manila sa gitna ng kakulangan sa suplay.