PORMAL nang nanungkulan bilang ika-52 chief of staff ng Armed Forces of the Philippines si Ltgen Noel Clement ng Philippine Military Academy Class 85 kasunod ng simpleng turn over ceremony sa Camp Emilio Aguinaldo sa Quezon City.
Pinangunahan ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang turn over ceremony na opisyal na nagluluklok kay Lt.Gen. Clement para pangunahan ang mahigit 140 thousand strong AFP.
Pinasalamatan ni Clement ang Pangulong Duterte sa tiwalang ipinagkaloob sa kanya para halinhan ang nabakanteng puwesto ni Gen. Benjamin Madrigal na umabot na sa kanyang mandatory retirement age.
Nabatid na prayoridad ni Clement ang pagsugpo sa Communist Party of the Philippines at armadong galamay nitong New People’s Army.
Ipatutupad din ng bagong ayudante mayor ng Hukbong Sandatahan ang mga programang inilatag ni Gen. Madrigal kasama ang pagsusulong ng modernization program para sa hukbo.
Ayon sa napiling bagong pinuno ng Sandatahang Lakas, ang paglaban sa komunistang grupo ay hindi lang solong trabaho ng militar o maging ng lokal and national government kung hindi ng buong bansa.
Si Clement ay ika-anim na chief of staff na nahirang sa ilalim ng Duterte administration na pawang nagmula sa Philippine Army ay nagsabing kailangan pang magpatuloy ang modernization ng AFP para mapaigting pa ang kakayahan ng sandatahang lakas.
Minsan din naging kontrobersiyal si Clement nang masangkot ang pangalan nito sa pagkawala ng aktibistang si Jonas Burgos na hindi na natagpuan ng kanyang mga magulang mula nang iulat na dinukot ito ng mga hinihinalang militar sa isang restaurant sa Cubao, Quezon City, noong taong 2007.
Miyembro ang heneral ng PMA Sandiwa Class of 1985 at kaklase ni dating AFP chief at ngayon ay Presidential Adviser on Peace Process Sec. Carlito Galvez na kasalukuyang commander ng Central Command (Centcom) na naka-base sa Cebu City. VERLIN RUIZ
Comments are closed.