BAGONG AGRICULTURAL FREE PATENT ACT SA PAGSULONG NG BANSA

“INAASAHANG malaki ang magagawa para sa agad na pagsulong ng pamumuhunan sa mga lalawigan at sa pag-unlad ng pambansang kabuhayan at ekonomiya, mula sa sektor ng agrikultura kapag naisabatas na ang ‘Agricultural Free Patent Reform Act’ na malapit nang lagdaan ni Pangulong Duterte.

Pangunahing binalangkas ni Albay Rep. Joey Sarte Salceda sa Kamara, ang House, HB 8078 at ang Senate Bill 1454 ni Sen. Richard Gordon ay pinagsanib na at pumasa na sa ‘bicameral conference committee ng Kongreso. Inaalis nito ang mga balakid na nakapaloob sa Commonwealth Act No. 141 kaugnay sa ‘land patent program’ at pamumuhunan sa mga lupain.

Ayon kay Salceda, bibigyan ng bagong batas ang mga kuwalipikadong may-ari ng lupa ng kapangyarihan para legal na mapaunlad ang kanilang mga lupain at mapasulong ang kanilang kabuhayan. “Nakalulungkot na agrikultura ang ugat sa bansa natin ngunit 8.5% lamang ang naiaambag ng sektor na ito sa ‘Gross Domestic Product’ ng bansa noong 2017.” ­Kapuwa sila naniniwala ni Gordon na tunay na magiging ‘game changer’ ang bagong batas.

Sa ilalim ng Commonwealth Public Land Act, bawal sa may-ari ng lupa ang isanla o ipagbili ito sa loob ng limang taon matapos itong mapasakanila. Binibigyan din nito ng karapatan ang dating may-ari na bilhin uli ang naturang lupain sa loob ng limang taon, kaya ayaw itong tanggapin ng mga bangko bilang kolateral sa pautang.

Ang mga balakid na ito, puna ni Salceda, ay pumipigil sa bagong may-ari na pamuhunanan para mapaunlad at lalong mapataas ang ani ng kanilang mga lupain. Kasama sa mga dahilan ng kabiguan ng pamahalaan na mapataas ang ani ng mga sakahan ang kakulangan sa modernisasyon, kulang at ma­ling paggamit ng mga ‘inputs’ sa pagsasaka kaya nananatiling mahihirap ang mga magsasa-ka, pati na ang mga pamayanan nila.

“Ang pagkakaroon ng puhunan upang maging ‘farmer-entrepreneurs’ ang mga magsasaka ay napakahirap  kaya nananatiling mahirap sila,” giit niya. Sa ilalim ng batas, obligadong may kolateral sa ipinauutang ng bangko na wala naman ang mga magsasaka maliban sa hawak nilang lupain.

“Sinasalamin nito ang mababang ‘compliance’ ng mga bangko sa ‘Agri-Agra Reform Credit Act of 2009,’ na ­tanging 1.05% lamang ang kanilang pautang para sa ‘agrarian reform credit’ kumpara sa 10% dapat nilang matupad mula sa 12.83% alokasyon ng kanilang pondo para pautang sa pagsasaka.

Nananatili ang ‘1936 Public Land Act’ na batayan ng pagbibigay sa ‘patent’ sa lupa para sa kuwalipikadong mga mamamayan. Ipinagbabawal ‘ipagbili o isanla ang kaloob na lupain sa kanila sa loob ng limang taon, maliban sa mga institusyon sa pananalapi ng estado. Sa talaan, may mga 2.5 – 3 milyong ‘patent’ na halos 25% ng 12 milyong rehistradong ‘patent’ sa bansa.

Bukod sa lalong pinamamahal ang mga transaksiyon. Ang naturang mga balakid, ayon kay Salceda, ay humahadlang sa pamumuhunan para mapaunlad ang mga lupain. Kapag inalis ang mga ito, mapapadali ang pag-utang ng puhunan ng mga magsasaka, matutuwa ang mga bangko, lalaki ang kita ng pamahalaan mula sa buwis, at lalong mapapabilis ang pagsulong ng mga pamayanan at pambansang ekonomiya, dagdag niya.

Comments are closed.