Bagong all-time high – UTANG NG PH LUMOBO PA SA P12.76-T

PUMALO ang utang ng Pilipinas sa bagong all-time high na P12.76 trillion hanggang noong katapusan ng Abril sa gitna ng nagpapatuloy na pangungutang ng bansa upang palakasin ang pananalapi para sa tugunan ang mga pangangailangan sa pagbangon ng ekonomiya na hinagupit ng pandemya, ayon sa Bureau of the Treasury.

Mas mataas ito ng 0.7% o P83.40 billion kumpara sa P12.68 trillion na utang na naitala noong Marso.

Ayon sa BTr, 70% ng kabuuang utang ng national government ay domestic borrowings. Ang domestic borrowings noong Abril ay tumaas ng 0.8% month-on-month at 14.4% year-on-year.

Lumobo rin ang foreign debt, na bumubuo sa nalalabing 30%, ng 20.4% mula Abril ng nakaraang taon. Kumpara noong Marso 2022, umakyat ito ng 0.4%.

Ayon pa sa datos ng bureau, ang guaranteed obligations ng pamahalaan ay nasa P413.43 billion noong Abril, bumaba ng 4.9% mula noong nakaraang taon ngunit mas mataas ng 0.6% kaysa sa naunang buwan.

“The increment in the level of guaranteed debt was due to the net availment of both domestic and external guarantees amounting to ₱6.16 billion and ₱0.12 billion, respectively,” ayon sa BTr.

Hanggang noong first quarter, ang debt-to-gross domestic product (GDP) ratio ng bansa ay nasa 63.5% na, nahigitan na ang international threshold na 60%, sa likod ng pangungutang ng pamahalaan dahil sa COVID-19 pandemic.

Nauna nang sinabi ni Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Gov. Benjamin Diokno, ang incoming finance secretary, na hindi ito dapat ikabahala hanggang ang ekonomiya ay lumalago ng 6-7% sa “sustainable basis.”

Ang outgoing government ay tinatayang magtatamo ng karagdagang utang na P3.2 trillion kasunod ng COVID-19 pandemic na maaaring mag-akyat sa utang ng bansa sa P13.1 trillion sa pagtatapos ng 2022, mas mataas sa orihinal na plano na P9.9 trillion lamang.