(Bagong Asian Games record naital) GOLD KAY OBIENA

TULAD ng inaasahan ay nasikwat ni Filipino Olympian at pole vaulter EJ Obiena ang unang gold medal ng Pilipinas sa 19th Asian Games sa Hangzhou, China.

Dinomina ni Obiena ang pole vault finals kung saan mag-isa niyang na-clear ang 5.75-meter mark matapos ang dalawang pagtatangka.

Pagkatapos ay naclear niya ang 5.90 meters sa isang attempt, na lalong nagsemento sa kanyang gold medal win.

Tinangka ni Obiena na ma-clear ang 6.02 meters subalit bigo siyang magawa ito.

Bago ang kanyang gold-clinching jump, na-clear ng pole vault world no. 2 na si Obiena ang 5.55 meters ng isang beses.

Pumangalawa si Huang Bokai ng China at pumangatlo si Hussain Asim Al Hizam ng Saudi Arabia na may 5.65 meters.

Winasak ni Obiena ang Asian Games record na dating tangan ni Seito Yamamoto ng Japan sa 5.70 meters.

Kasalukuyan niyang tangan ang Asian record sa 6.0 meters.