MAY bago nang auxiliary bishop ang Archdiocese of Lingayen-Dagupan.
Ayon sa Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), ang pagtatalaga ni Pope Francis kay Father Fidelis Layog bilang bishop-elect, ay inianunsiyo ng Vatican sa Roma dakong 12:00 ng tanghali roon at 7:00 ng gabi naman dito sa Filipinas, nitong Linggo, Marso 17.
Si Layog, na ipinanganak sa Dagupan City noong Nobyembre 20, 1968, ay kasalukuyang nagsisilbing parish priest ng Our Lady of Purification Parish sa Binmaley, Pangasinan.
Nag-aral siya ng Philosophy sa Mary Help of Christians College Seminary at theology naman sa Immaculate Conception School of Theology sa Vigan City.
Matapos na maordinahan bilang pari noong Abril 29, 1996, ginugol ni Layog ang unang apat na taon ng kanyang pagka-pari bilang Prefect of Discipline sa Mary Help of Christians High School Seminary sa Dagupan City.
Noong 2003, nakakuha siya ng degree sa Biblical Theology mula sa Pontifical University of St. Thomas sa Roma.
Bilang auxiliary bishop, tungkulin ni Layog na tulungan si Archbishop Socrates Villegas sa pagpapatakbo ng archdiocese. ANA ROSARIO HERNANDEZ