BAGONG ‘BASECO ESPLANADE’ BUBULAGA SA MAYNILA

Isko Moreno

MALAPIT ng bumulaga sa madla ang bagong “Baseco Esplanade”  kapag natapos  na ang tuloy-tuloy na total make over sa  dating tinawag na “Basura Beach” sa Maynila.

Ayon kay Manila Mayor Isko Moreno, ang dating babayin na puno ng basura sa Baseco ay malinis na ngayon at hindi na masakit sa matang tignan, gayundin ang coastal area nito.

“Tulong-tulong po ang Deparment of Public Services (DPS) Baseco Beach Warriors, Metropolitan Manila Development Authority at Department of Environment and Natural Resources sa cleaning ope­rations.  Hindi po tayo matatapos dito.Tuloy-tuloy lang ang ating pagkilos hanggang sa makamit natin ang isang maunlad, maganda at panatag na Maynila. Soon, we will develop the new Baseco Esplanade,” paniniyak ni Moreno sa residente ng Baseco.

Napag-alaman pa na ang nilagyan na lampposts  sa baywalk area para maging maliwanag sa gabi at maging ligtas ang mga namamasyal sa bisinidad ng Baseco beach ay ang mga lamppost  na tinanggal sa kahabaan ng   España Boulevard sa Sampaloc.

“Ayoko pong sayangin ang pera niyong pinambili dito.  May value pa naman po, sayang kung itatapon lang. Kaya po ini-atas ko na ayusin ang mga nasabing mga poste ng ilaw,” ayon kay Moreno.

Nabatid na ang  ang lugar ng Baseco ay daungan  ng  National Shipyards and Steel Corp. noong 1960’s na binili ng  Romualdez family sa pamamagitan ng Bataan Shipping and Engineering Co.  kung saan nagmula ang pangalang  Baseco.

Noong 1980’s,ang   Baseco ay naging barangay at tinirhan ng informal settlers na nagsipagtayo ng mga barung-barong kahit sa bundok ng basura.

Bago ang isinagawang reclamation ng kahabaan ng Roxas Boulevard, ito ay isang beach kasama na rin ang Baseco. VERLIN RUIZ

Comments are closed.