BAGONG BATCH NG MGA BABAENG LINECREW, HANDA NANG MAGHATID NG LIWANAG SA MGA CUSTOMER NG MERALCO

Sa pinakabagong batch ng MLTP, 34 ang sumubok pumasok sa kompanya ­bilang linecrew. Ang pagbubukas ng programang ito para sa mga kababaihan ay bahagi ng plano ng Meralco na pataasin hanggang sa 40% ang bilang ng mga kababaihan sa ­kompanya sa pagtatapos ng dekada.

 

SUOT ANG magandang ngiti kahit basa ng pawis, binalikan ni Zuzette Castro, isang dating overseas Filipino Worker, ang kanyang mga pinagdaanan sa loob ng anim na buwang pagsasanay sa ilalim ng Meralco Linecrew Training Program (MLTP).

Bilang isa sa 13 na kababaihang nagtapos ng pagsasa­nay sa ilalim ng MLTP, handa na si Castro na gamitin ang kanyang mga natutunan para ligtas na makaakyat sa poste at magkumpuni ng mga linya ng kuryente para makapaghatid ng liwanag sa mga custo­mers ng Meralco. Nakatakdang ­sumailalim sa pagsusuri si Castro bilang bahagi ng opis­yal na pagpasok sa kompanya.

“Mahirap ang trabaho ng linecrew pero lagi kong ini­isip na ginagawa ko ito para mabigyan ng magandang buhay ang pamilya ko at para makapagsilbi sa publiko,” pagbabahagi ni Castro.

Sumailalim sa matinding pagsasanay ang mga ­trainee sa ilalim ng MLTP sa loob ng anim na buwan sa Meralco Power Academy – Power Base sa Antipolo City.

Ang MLTP ay isang komprehensibong kurso na bukas para sa mga kalala­kihan at kababaihang naghahangad ma­ging linecrew ng Meralco. Sa ilalim ng natu­rang programa, magdadaan ang mga linecrew trainee sa iba’t ibang serye ng lecture, pisikal na pagsasa­nay, assess­ment, at on-the-job training (OJT).

Sa batch na ito, 34 ang sumubok pumasok sa kompanya bilang linecrew. Ang pagbubukas ng programang ito para sa mga kababaihan ay bahagi ng plano ng Meralco na pataasin hanggang sa 40% ang bilang ng mga kaba­baihan sa kompanya sa pagtatapos ng dekada.

“Ang lahat ng bagong mga trainee ay dumaan sa masusing pagsasanay kaya’t taglay ng mga ito ang sapat na kaalaman upang magawa ng ligtas at mahusay ang trabaho bilang linecrew. Buo ang kompyansa ko na makapaghahatid ng mahusay na serbisyo ang bagong batch ng MLTP,” pahayag ni MLTP Manager Roman Leandro Manlapaz.

Inalala naman ni Castro kung paano niya ginamit ang lahat ng kanyang mga natutunan mula sa MLTP nang hinarap nito ang bagyong Paeng bilang bahagi ng kanyang OJT noong Nobyembre 2022 sa probinsya ng Rizal. Isa si Castro sa mga linecrew na nagtrabaho sa kabila ng masamang lagay ng panahon upang maibalik ang serbisyo ng koryente sa mga customer sa lalong madaling panahon.

Ayon kay Castro, hindi sila hahayaang magtapos sa programa kung alam ng trai­ner na hindi pa sila handa. “Sa pamamagitan ng MLTP, naging handa kaming ga­win ang aktwal na trabaho ng isang linecrew. Talagang sini­guro ng mga trainer na sapat na ang aming nalalaman at na malakas ang aming pangangatawan bago kami isinabak sa field work,” aniya.

 

PAGSUSULONG NG DIVERSITY AT INCLUSION SA KOMPANYA
Noon pa man, ang mga gawaing gaya ng pagbubuhat ng mga mabibigat na kagamitan, pag-akyat sa poste, at pag-­ayos sa mga buhay na linya ng kor­yente, ay kinilala na bilang mga gawaing panlalaki. Suba­lit batid ang pagbabago ng panahon at bilang pagkilala sa kakayahan ng mga kababaihan, pinangunahan ng Mera­lco sa Timog Silangang Asya noong 2013 ang pagbubukas ng pinto nito para sa mga kababaihang nais subukang ma­ging linecrew.

Suot ang kumpletong uniporme ng linecrew, handa na si John Dexter Alonte at Zuzette Castro na maghatid ng liwanag matapos ang anim na buwang pagsasanay ­bilang linecrew.

Sa kasalukuyan, 11 na kababaihan mula sa unang batch ng mga kababaihang linecrew ang nananatiling naghahatid ng liwanag sa mga customer ng Meralco.

Gaya ni Castro, sumali rin si John Dexter Alonte sa MLTP sa paghahangad na makahanap ng mas maayos at makabuluhang trabaho para sa kanyang pamilya. Si Alonte ay nagtrabaho ng tatlong taon bilang kontraktwal na empleyado sa isang kompanya ng hardware.

“Kapag kontraktwal, bukod sa walang benepisyo, wala ring kasiguraduhan ang trabaho. Laging may pa­ngamba na baka sa susunod na buwan kaila­ngang humanap ng bagong pagkakakitaan. Itong MLTP ay nagbigay sa akin ng pagkakataong magkaroon ng trabaho kung saan maaari akong maging regular na empleyado. Pati pamilya ko magkakaroon ng benepisyo,” pahayag ng 27-anyos na si Alonte. “Iba rin yung alam mong nasa maa­yos kang kompanya tapos nakakapagsilbi ka pa sa kapwa mo.”

Bumilib din aniya si Alonte sa ipinamalas na determinasyon at dedikasyon ng mga batchmate nitong babae na nagdaan sa parehong trai­ning nilang mga kalalakihan. “Yung makitang kinakaya ng mga batchmate kong babae ang mga gawaing karaniwang panlalaki, lalo akong na-udyok na gali­ngan dahil kinakaya nila yung hirap na pinagdaraanan namin. Sa tuwing napapagod ako, ini­isip ko na kung kaya nila, dapat kaya ko rin,” dagdag pa niya.

 

PAGTUTULAK NG PAGKAKAPANTAY-PANTAY SA TRABAHO
Ang pagbubukas ng MLTP sa mga kababaihan ay bahagi ng #Mbrace, ang programa ng Meralco na nagsusulong ng diversity at inclusion sa kom­panya. Ito ay alinsunod sa Uni­ted Nations’ Sustainable Deve­lopment Goal (UN SDG) 5 on Gender Equality at UN SDG 10 on Reduced Inequalities.

Pinagtitibay din ng prog­ramang ito ang suporta ng kompanya sa UN Global Compact’s Principle 6: Elimi­nation of Discrimination in Employment, UN Women’s Empowerment Principles, at sa mga adbokasiya ng Philippine Business Coalition for Women Empowerment.

Bahagi ng pagsasanay ng mga linecrew ang pagtatrabaho sa ilalim ng mainit na sikat ng araw at ng malakas na pag-ulan dahil walang pinipiling panahon ang ­pagsisilbi bilang linecrew ng Meralco.

Tapat sa layunin ng prog­rama, kasalukuyang nasa 22% na ang bilang ng mga kababaihan sa kompanya ayon sa datos noong 2021. Ito ay doble ng karaniwang antas sa global na sektor na nasa 11% lamang.

Ang #Mbrace, isang mahalagang bahagi ng Sustai­nability Agenda ng Meralco, ay kumikilala sa kakayahan at kahusayan ng mga kababaihan at ang kahalagahan ng mga papel na ginagampanan nila sa orga­nisasyon at sa lipunan.

Kamakailan din ay ini­lunsad ng Meralco ang bagong polisiya nito ukol sa Diversity and Inclusion kung saan ipinangako ng kompanya ang pagbibigay ng pantay na pagkakataon sa lahat ng em­pleyado nito, at ang pagbibigay respeto at pagpapahalaga sa pagkakaiba-iba sa kasarian, edad, pisikal na itsura, kalusugan, estado ng pamil­ya, relihiyon, sekswalidad, at socio-economic background.