BAGONG BIOMETRICS SYSTEM SA PH AIRPORTS, ITE-TESTING

Photo from ABS-CBN News

Isang bagong sistema ng biometrics ang ite-testing para sa posibleng integrasyon sa mga sistema ng pagkakakilanlan sa mga paliparan ng Pilipinas.

Ito ay matapos pirmahan ng Department of Transportation (DOTr) ang isang kontrata kasama ang kompanyang Amerikano na UltraPass ID para sa pagsubok ng biometrics program na layuning mapahusay ang karanasan ng mga pasahero at operasyon sa paliparan.

Gumagamit na ang ilang international airports sa Pilipinas ng facial at fingerprint scanners sa e-gates para sa immigration clearance ng mga dumara­ting na pasahero.

Ayon kay Transport Secretary Jaime Bautista, ang bagong biometrics system ay ikokonekta sa Philippine ID System na magpapadali sa pagdaan ng mga pasahero sa iba’t ibang checkpoint sa loob ng paliparan.

“The biometric system provides not only convenient passenger processing, but also enhances security protocols. Embedded biometric data in passports will allow passengers to breeze through check-in, security and boarding gates” ani Bautista.

Ang Iloilo International Airport ang napili para sa kauna-unahang pagsubok ng sistema at ang kontrata ay magtatagal ng ilang buwan sa susunod na taon.

Ayon sa UltraPass ID, ginagamit na ang kanilang teknolohiya sa iba’t ibang kompanya at industriya.

Tiniyak ng CEO ng UltraPass na si Eric Starr na ang sistema ay ligtas at protektado ang mga datos.

“UltraPass technology integrates seamlessly with the Philippine national ID system. And through the pilot, we will showcase how digital identity vetification can reduce processing time, improve security, and create a touchless efficient airport experience”  pahayag ni Starr.

Dagdag pa nito, “Sa pagiging touchless, gagamitin ang mukha ng pasahero imbis na ipakita ang boarding pass.”

Ang pagpirma sa kasunduan ay bahagi ng US Smart Cities Trade Mission sa pangunguna ni Commerce Undersecretary Marisa Lago.

Ayon kay Lago, sumasalamin ang trade mission sa matibay na ugna­yang pang-ekonomiya ng Estados Unidos at Pilipinas.

Humigit-kumulang isang dosenang american tech companies ang kasama sa trade mission na bibisita sa Maynila at Clark.

““The Philippines becomes the only country in the world that in 2024 will jave two high level trade missions. I think that is a testament to the strength and potential for even further growth of our relationship” ani Lago.

Ang mga kompanyang kasama nito ay mula sa iba’t-ibang industriya na makakatulong sa digitalization push ng Pilipinas kabilang ang cybersecurity, artificial intelligence, biometrics, engineering at construction at rail industry.

Bibiyahe rin si Lago sa Indonesia bilang bahagi ng trade mission.

RUBEN FUENTES