BAGONG BUHAY SA 29 NAVOTEÑO REHAB GRADS

MAY 29 na Navoteño na gumagamit ng droga (PWUDs) ang nabigyan ng bagong pag-asa sa buhay kasunod ng kanilang pagtatapos sa Bidahan, ang community-based treatment at rehabilitation program ng Pamahalaang Lungsod ng Navotas.

Sa bilang na ito, anim ang children in conflict with the law (CICL) habang tatlo sa mga nagtapos ang matagumpay na nakapasa sa anim na buwang aftercare program.

Ang mga dating PWUD ay sumailalim sa anim na buwang online at limitadong face-to-face counseling na isinagawa ng Navotas Anti-Drug Abuse Council (NADAC) katuwang ang Narcotics Anonymous.

Kasama sa Bidahan online program ang mga lecture, group counseling, relapse prevention, pati na rin ang multi-family, couple’s counseling at therapy.

Saklaw din ng programa ang 12 hakbang na pag-aaral ng grupo, women’s group, youth/CICL counseling, at mental health awareness.

Nagsimula ang Bidahan noong Oktubre 2016. Labing-apat na batch na binubuo ng 248 na dating gumagamit ng droga ang nakapagtapos na ng community rehab and aftercare program.
EVELYN GARCIA