BAGONG CARDINAL NG PINAS HINIRANG NI POPE FRANCIS

Jose Advincula

ISANG arsobispong Pinoy ang pinalad na makasama sa mga bagong hirang na cardinal ng Simbahang Katolika.

Nabatid na itinalaga ni Pope Francis si Capiz Archbishop Jose Advincula kasama ang 12 iba pa, bilang mga bagong Cardinal ng simbahan.

Nabatid na si Cardinal-elect Advincula, na 68 taong gulang na, ang pang-siyam na Cardinal ng bansa at ika-apat sa mga buhay pang Cardinal kabilang sina Cardinal Orlando Quevedo, Gaudencio Rosales at Luis Antonio Tagle-ang kasalukuyang Prefect of the Congregation for Evangelization of People’s na nakabase sa Roma.

Dahil sa kanyang pagkakatalaga bilang cardinal, dalawa na sila ni Cardinal Tagle na Cardinal ng Filipinas na maaring maging bahagi ng ‘conclave’ o paghahalal ng bagong Santo Papa sakaling magkaroon ng sede vacante.

Sina Cardinal Quevedo at Cardinal Rosales ay kapwa higit na sa 80-taong gulang at retirado na.

Si Cardinal-elect Advincula ay tubong Dumalag, Capiz at nagsilbing arsobispo ng Capiz simula taong 2012.

Siya rin ang kasalukuyang vice-chairman ng Committee on International Eucharistic Congress at ng Office on Women ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP). ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.