BAGONG CBCP OFFICIALS MALULUKLOK

Father Marvin Mejia-2

INAASAHANG  magluluklok ng mga bagong opisyal ang mga Obispo ng maimpluwensiyang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa gagawin nilang tatlong araw na plenary assembly ngayong weekend.

Ayon kay CBCP Secretary General Father Marvin Mejia,  kabilang sa mga ihahalal ng mga Obispo ay pangulo, ikalawang pangulo, siyam na regional representatives at 29 commission at committee chairpersons.

Ang kasalukuyang CBCP president na si Davao Archbishop Romulo Valles at ang CBCP Vice President na si Kalookan Bishop Pablo Virgilio David ay kapwa nasa u­nang termino pa lamang ng kanilang panunungkulan, kaya’t inaasahang muli naman silang mahahalal para sa kanilang ikalawa at huling termino, na siyang nakaugalian na ng mga obispo.

“There is that possibility that they get re-elected because, based on the rules, they can have two terms. Therefore, they are still eligible,” pahayag ni Mejia.

Nabatid na bukod sa pag­hahalal ng mga bagong opis­yal, ay magdaraos din ang mga Obispo ng isang closed-door meeting sa Pope Pius XII Catholic Center sa Paco, Manila, upang talakayin ang ilang mahahalagang isyu na kinakaharap ng bansa.

Inaasahan din namang dadalo sa asembliya ang mga first time attendee, o yaong mga bagong talagang Obispo ng simbahan, na kinabibila­ngan nina Auxiliary Bishop Fidelis Layog ng Lingayen-Dagupan, Bishop Cosme Almedilla ng Butuan, Bishop Leo Dalmao ng Isabela de Basilan, Bishop-elect Jose Rapadas ng Iligan, at Bishop-elect Roberto Gaa ng Novaliches.

“They are invited to, at least, introduce themselves to their brother bishops,” ani Mejia.

Ang CBCP ay binubuo ng may 134 miyembro mula sa 86 ecclesiastical jurisdictions, kabilang dito ang 83 aktibo pa sa panunungkulan, tatlong administrador, at 45 na retirado na. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.