BAGONG COAST GUARD RECRUITS PINAGKAKAKITAAN

PCG

SAMPUNG tauhan ng Philippine Coast Guard ang sinibak sa puwesto at pinatawan ng suspensyon matapos na mabulgar na pinagkakakitaan nila ang bagong recruits na sumasailalim sa mga pagsasanay.

Nabunyag ang katiwalian ng ilang tauhan ng coast guard na nakatalaga sa isang training center nang magsumbong ang mga bagong recruit hinggil sa mga sinisingil at ibinebenta sa kanila habang sumasailalim sa pagsasanay .

Kinumpirma ni Philippine Coast Guard spokesman Rear Admiral Armand Balilo na may sampung tauhan nila mula sa isang regional training center ang sinuspinde dahil sa mga sumbong ng katiwalian at pagsingil ng hindi awtorisadong fees sa mga bagong recruit.

Habang ang ilang sa mga kasamahan nila mula sa hindi tinukoy na training center ay pansamantalang inilipat sa ibang units.

Ang nasabing hakbang ay bunsod ng reklamo ng mga bagong recruit na pagsingil sa kanila ng mga overpriced na gamit at equipment kahit pa may inilaang pondo ang gobyerno para sa kanila.

Dahilan upang mabaon umano sa utang ang ilang trainees.

Sinasabing maging ang kanilang ATM cards ay pinipigil ng ilang opisyal para tiyaking awtomatikong makaltas at masisingil ang binebenta sa kanilang mga kagamitan.

Nilinaw ni Balilo na libre ang pagsasanay ng mga bagong recruit habang may nakalaan na P43,000 bawat isang bagong recruit para sa mga kakailanganin nila sa training.
VERLIN RUIZ/ PAUL ROLDAN