ITINUTULAK ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang isang makabagong makina na maaaring ipamalit sa kontrobersiyal na vote counting machine (VCM) ng Smartmatic.
Ito ang voters tallying machine (VTM) na isang konsepto at dinevelop mismo ng DICT bilang tugon sa pagnanais ni Pangulong Rodrigo Duterte na palitan na ang makina ng Smartmatic sa susunod na eleksiyon.
Ipinagmalaki ni DICT Undersecretary Eliseo Rio ang kanilang working model (system) na gawang Pinoy na VTM na kanilang binuo na aniya’y makasisiguro ang publiko sa taglay nitong transparency at accuracy ng makina na nakatakdang iprisenta sa pagdaraos ng Comelec-DICT Technology Fair sa darating na Hulyo 15 sa tanggapan ng DICT sa Diliman, Quezon City.
Sa isang exclusive interview ng PILIPINO Mirror, sinabi ni Rio na higit na mas mura ang VTM na isang manual counting machine, subalit kasimbilis naman ito ang automated system kumpara sa VCM ng Smartmatic.
Bukod pa rito, inihalimbawa pa ng opisyal ang gastos ng VCM Smartmatic na umaabot na sa P900 milyon noon sa pag-imprenta pa lamang ng mga balota samantalang sa VTM ay tinatayang aabot lamang ito ng hindi lalagpas sa P50 milyon sa pag-imprenta.
Napag-alamang hindi bababa sa P45,000 ang kada unit ng VTM ng DICT kasama na rito ang multi-media projector, screen at GenSet samantalang ang Smartmatic ay nagkakahalaga ng P67,000 bawat unit.
Idinagdag pa ni Rio na layon din ng naturang hakbang na hindi na maulit ang mga aberya sa nakalipas na eleksiyon katulad na lamang ng nangyari noong 2016 kung saan nasa dalawang milyong balota ang hindi nabasa ng automated counting machine kaya pinagdududahan ang integridad ng nanalo sa vice presidential race gayundin ang mga isyu ng over voting at ‘di magkakatugmang resulta sa paglabas ng voting receipt mula sa makina ng Smartmatic.
Nakatakdang daluhan ang nalalapit na Tech Fair ng mga opisyales ng Commission on Elections (Comelec), advocate groups katulad ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV), Legal Network for Truthful Elections (Lente), National Citizen’s Movement for Free Elections (Namfrel) at ilang piling dating kinatawan ng Comelec na eksperto sa pagsusuri ng makinang ginagamit sa halalan. BENEDICT ABAYGAR, JR.
Comments are closed.