BAGONG COVID-19 CASES, 19, 441

NAKAPAGTALA  pa ang Department of Health (DOH) ng record high na 19,441 bagong kaso ng COVID-19 sa loob lamang ng isang araw ngayong Sabado.

Base sa case bulletin no. 532 ng DOH, umaabot na ngayon sa 1,935,700 ang total COVID-19 cases sa bansa hanggang nitong Agosto 28, 2021 lamang.

Sa naturang bilang, 7.4% pa o 142,679 pa ang aktibong kaso o nagpapagaling pa mula sa sakit at maaaari pang makahawa, kabilang ang 95.5% ang mild cases, 1.8% ang asymptomatic, 1.1% ang severe, 0.99% ang moderate at 0.6% ang kritikal.

Nakapagtala rin ang DOH ng 19,191 na gumaling sa sakit kaya’t sa kabuuan, umaabot na sa 1,760,013 ang total COVID-19 recoveries sa bansa o 90.9% ng total cases.

May 167 pa rin na pasyente na sinawimpalad na bawian ng buhay dahil sa karamdaman.

Sa kabuuan, mayroon nang 33,008 total COVID -19 deaths sa bansa o 1.71% ng total cases.

“Ayon sa pinakahuling ulat, lahat ng mga laboratoryo ay operational noong August 26, 2021 habang mayroong 3 laboratoryo na hindi nakapagsumite ng datos sa COVID-19 Document Repository System (CDRS). Base sa datos sa nakaraang 14 na araw, ang kontribusyon ng 3 labs na ito ay humigit kumulang 1.3% sa lahat ng samples na naitest at 0.2% sa lahat ng positibong mga indibidwal,” anang DOH.

“Sa mga susunod na araw ay maari pang tumaas ang ating mga kaso ng COVID-19. Ang pagsunod sa minimum public health standards, maiging pagsasagawa ng PDITR strategies, at pagbabakuna ay nanatiling pinakapabisang depensa sa COVID-19. Mahalaga rin na tayo ay mag-isolate at makipagugnayan sa BHERTs kung tayo ay may sintomas ng COVID-19. Ang maagang konsultasyon at pagpapatest ay makatutulong upang maputol ang hawaan sa mga bahay, komunidad, at sa mga lugar na pinagtatrabahuhan,” dagdag pa nito.

Samantala, nabatid na mayroong 202 duplicates ang inalis ng DOH mula sa total case count. Kabilang dito ang 191 recoveries.

Mayroon ding 76 kaso ang unang iniulat na gumaling na sa sakit, ngunit malaunan ay natukoy na pumanaw na pala sa pinal na balidasyon. Ana Rosario Hernandez

5 thoughts on “BAGONG COVID-19 CASES, 19, 441”

Comments are closed.