ITINALAGA na sa ika-30 ng Abril ang bagong deadline para sa mga public utility vehicles (PUVs) upang makapag-consolidate. Inextend ng Pangulong Marcos and deadline sa gitna ng mga panawagan mula sa mga mababatas at mga transport groups na repasuhing muli ang PUV modernization program ng pamahalaan.
Ayon sa datos ng Development Bank of the Philippines at Land Bank of the Philippines, nasa isang libong jeepney drivers at operators na nag-consolidate ng kanilang prangkisa ay nalulubog ngayon sa utang dahil sa hindi na sila nakakabiyahe. Inilabas ang datos na ito sa House Committee on Transportation hearing nitong nakaraang Miyerkoles.
Kaya naman nagpapasalamat ang mga drivers at operators dahil sa extension, pero malayo pa rin umano ito sa isinusulong ng mga grupo, ayon kay Mar Valbuena, chairman ng Manibela. Aniya, ang panawagan nila sa pangulo ay ang hindi pagkawala ng kanilang prangkisa upang makapagpatuloy sila sa paghahanap-buhay kahit hindi sila mag-consolidate.
Maaalalang inihayag ng mga transport groups na ito na hindi sila kontra sa modernisasyon ngunit ang franchise consolidation umano ay talagang maglulubog sa kanila sa utang. Kaya’t sa ngayon, patuloy pa rin ang panawagan nila, kasama ang ilang grupong sumusuporta sa kanilang hanay, na balikan ng pamahalaan ang programa.
Umaasa tayong lahat na mabilis na maresolba ang isyung ito sapagkat sa bawat araw na dumadaan na walang hanapbuhay ang ilang mga drivers at operators, apektado ang pang-araw-araw na buhay ng kanilang mga pamilya. Kaisa tayo sa solusyon na makatutulong sa mas nakararami, kabilang na ang masa o mga komyuter na gumagamit ng mga pampublikong sasakyan araw-araw.