NAGSAMPA na ng diplomatic protest ang gobyerno laban sa China.
Ipinabatid ito ni Presidential Spokesman Salvador Panelo matapos i-protesta ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang halos 300 Chinese vessels na naispatan ng militar na nasa paligid ng Pag-asa Island sa South China Sea mula Enero hanggang nitong nakalipas na Marso.
Hindi naman masabi ni Panelo kung kailan inihain ang nasabing diplomatic protest laban sa China.
Tinawag nitong exaggerated ang report ng media na 600 barko ng China ang nakapalibot sa Pag-asa Island.
Sagot naman ni Chinese Ambassador Zhao Jianhua na isang uri ng political action ang ginawang paghahain ng kaso nina dating Foreign Affairs Secretary Albert Del Rosario at dating Ombudsman Conchita Carpio-Morales sa International Criminal Court o ICC laban kay Chinese President Xi Jinping.
Ito’y may kaugnayan sa patuloy na aktibidad ng China sa West Philippine Sea na nakakasira na umano sa kalikasan at nakaapekto na rin sa mga Filipinong mangingisda.
“First and foremost, President Duterte and the department concerned has expressed clearly to the Chinese side the Philippine government has no role in it, it is an action by individuals, We think it is a kind of political action viciously targeting the Chinese leadership so we don’t think it is a proper action that is based on fact. It’s a fabrication and also a misuse of the mandate of the ICC,” dagdag ng embahador.
Nilinaw ng embahador na mga mangingisdang Tsinoy at hindi militiamen ang mga sakay ng Chinese vessel na nasa paligid ng Pag-asa Island na hindi sakop ng West Philippine Sea.
Nag-courtesy call ang embahador kay Panelo at sinabi nito na hindi mga armado ang mga mangingisdang nasa paligid ng isla kundi katulad din sila ng mga Filipinong nangingisda sa Pag-asa Island.
Ayon sa Chinese ambassador na kailangan pa ang ibayong imbestigasyon para malaman kung talagang naglibot-libot ang mga ito.
Kailangan umano ng tamang beripikasyon sa usaping ito. “They are fishermen from both sides. Whether the number is 600, whether they are surrounding the island that have people there, it is really have to be further investigated and subject to verification. As fas as I know they are Chinese fishermen, not militiamen,” ang pahayag ni Ambassador Zhao.
Siniguro naman ng Chinese ambassador na tinutugunan ng Filipinas at China ang isyu sa diplomatikong pamamaraan alang-alang sa magandang relasyon ngayon ng dalawang bansa.
Nauna rito ay ilang residente sa Kalayaan Island sa Palawan ang nagsabi na hinarang sila ng ilang Chinese fishing vessel sa lugar kaya hindi sila makapangisda sa mga lugar na dati nilang pinupuntahan malapit sa mga pinag-aagawang isla. (May dagdag na ulat ng DWIZ882)
Comments are closed.