ISINUMITE na ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa Malacañang ang bagong draft ng Security of Tenure (SOT) bill makaraang i-veto ni Presidente Rodrigo Duterte ang naunang version nito.
Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, ang bagong draft ay isinumite nila kay Executive Secretary Salvador Medialdea noong nakaraang buwan.
“Before ‘yung pag-draft natin ng SOT bill, nagkonsulta kami sa mga stakeholder, mga manggagawa, mga employer. After that, nakapag-finalize kami ng draft ng SOT bill. Pero ang utos ng ating Pangulo ay makipag-coordinate daw ako kay Executive Secretary Medialdea,” ani Bello.
“Kaya nung natapos na namin ‘yung final draft ay sinubmit ko na kay Secretary Medialdea ‘yung aming proposed draft,” dagdag pa niya.
Tumanggi si Bello na talakayin ang pagkakaiba ng bagong draft sa vineto na bill dahil ayaw, aniya, niyang ma-preempt ang magiging aksiyon ni Medialdea.
Gayunman, maaari umanong isumite ang bagong draft sa Kongreso sa sandaling magpatukoy ang session nito.
“Pinag-usapan namin tungkol sa LOC (labor-only contracting), ‘yun ang major issue doon sa LOC. Pero ang focus namin ngayon, bagamat constitutional right ‘yung SOT, sa tingin namin mas mahalaga ang employment,” ani Bello. PILIPINO Mirror Reportorial Team