BAGONG DRUG WAR STRATEGY INILUNSAD NG PNP

INILUNSAD ng Philippine National Police (PNP) ang bagong estratehiya ng kanilang kampanya laban sa illegal drugs kung saan hindi na ang mga user at street level pusher ang target kundi ang mismong source o supplier.

Ayon kay PNP Chief Gen. Rommel Francisco Marbil, ang nasabing mekanismo ay nasa ilalim ng kanilang recalibrated campaign sa anti illegal drug operation.

Sinabi ni Marbil na sa pamamagitan ng bagong estratehiya ay mas lalong magiging epektibo ang kampanya laban droga at maiiwasan ang pagdanak ng dugo.

“Let us preserve human life.  Eto tayo habang nandito tayo sa bansa natin nandito kayo sa Pilipinas,  alalahanin niyo lahat ng tao may pag-asa.  Wala tayong karapatan na kunin ang buhay ng ibang tao,” paalala ni Marbil.

Sa mga nakalipas na operasyon, ani Marbil, mas nakatuon ang mga pulis sa ulo pero sa pagkakataong ito ay ang mismong katawan ng supply chain at sources na ang kanilang pupuntiryahin.

Sa ilalim ng recalibrated strategy, mas palalakasin din ang intelligence operations at community engagement upang matukoy at wasakin ang drug trafficking network.

Ang mga high value target drug personalities na totoong puntirya ng operasyon at hindi ang mga street pusher at user na kadalasan biktima ng pagkakataon..

“Uulitin ko po, hindi po masama ang gumawa ng tama. Let us do what is right. Sinasabi ko nga sa unang speech ko, you have a choice and a chance.  A choice to do good and a chance to make a difference. Let us make a difference in people’s lives. Let us show them na iba na ‘yung pulis natin. Eto na ‘yung pulis na maaasahan pulis na mapagkakatiwalaan, pulis ng ating bayan,” ayon kay Marbil.

Giit pa ni  Marbil, hindi na kailangan na maging marahas ang mga operas­yon, ang nais ng PNP at ng pamahalaan ang solusyonan ang problema sa droga nang walang dumadanak na dugo.

EUNICE CELARIO