SA kasalukuyan ay ginagamit dito sa atin ang One Health Pass para sa contact tracing at health declaration.
Pero simula sa unang araw ng Nobyembre, papalitan na ito ng tinatawag na Electronic Arrival (eArrival) Card upang lalong maging maayos ang proseso para sa mga Pilipino at banyagang dumarating sa bansa.
Ipatutupad ito sa lahat ng mga paliparan at daungan ng barko sa Piiipinas sa pamamagitan ng sistemang scan-and-go. Mas kaunti na rin ang impormasyon na hihingiin mula sa mga bumibiyahe upang mapadali ang kanilang paglalakbay. Mula 20 tanong ay 10 tanong na lamang ang kailangang sagutan.
Mas user-friendly rin ang interface ng sistema, at hindi na kailangang i-download upang mabuksan ang app. Puwede itong mabuksan nang libre mula sa cellphone o internet browser.
Ang mga pasahero ay inaabisuhang magpa-register 72 oras o 3 araw bago umalis. Magpunta lamang sa https://www.onehealthpass.com.ph/ upang makapagparehistro. Makatatanggap ng isang QR code ang bawat pasahero na may kumpletong requirement. Kung kulang ang requirement o nagkamali sa registration, barcode ang matatanggap at kinakailangang sumailalim sa manual verification pagdating sa bansa. Kumuha ng screenshot ng iyong QR code o barcode gamit ang iyong cellphone bago isara ang website at ipakita ito bago sumakay ng barko o eroplano. Ipakikita rin ito sa mga opisyal ng Bureau of Quarantine (BOQ) pagdating sa bansa.
Sakali namang hindi nakapagpa-register ang isang biyahero, may special lane sa mga paliparan at daungan ng barko para sa kanila. Ngunit upang maiwasan ang pagkaantala, ipinapayong magpa-register muna bago umalis sa lugar na panggagalingan.
Hindi maaaring gamitin ang parehong QR code o barcode sa mga susunod na biyahe dahil binubura ang mga impormasyong ito mula sa database kapag nai-proseso na. Kaya kinakailangang magpa-register muli ang bawat papasok sa bansa kung may susunod pang biyahe patungo rito.
Kung may karagdagang tanong tungkol sa eArrival Card system, puwedeng bisitahin ang website na ito https://www.onehealthpass.com.ph/OHP-NEW-DESIGN/FAQ.html