BAGONG FARM-TO-MARKET ROAD MAGPAPALAKAS SA AGRI-TRADE SA ANGAT

NATAPOS na ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang isang farm-to-market road na naglalayong mapabuti ang accessibi­lity ng mga residente at mapababa ang gastos sa transportasyon ng mga produktong agrikultural sa Barangay Sta. Lucia sa bayan ng Angat sa Bulacan.

Ang proyekto ay may kabuuang 2.09 kilometrong kongkretong kalsada na may kasamang 92 metro ng stone masonry upang matiyak ang tibay at kahusayan sa transportasyon.

Ayon sa ulat kay DPWH Secretary Manuel M. Bonoan ni Region III Director Roseller A. Tolentino, ang bagong farm-to-market road ay inaasahang magpapalakas ng lokal na kalakalan, magpapataas ng produktibidad, magbabawas ng gastusin sa transportasyon at magpapaliit ng mga pagkalugi matapos ang anihan para sa mga residente sa lugar.

“Ang natapos na proyekto ay hindi lamang nagpapabuti ng accessibility sa lugar, kundi sumasalamin din sa pangako ng paglago, katatagan at napapanatiling pag-unlad para sa komunidad na pinagli­lingkuran nito,” ani Tolentino.

Ang proyekto na ipinatupad ng DPWH Bulacan 2nd District Engineering Office sa ilalim ng pamumuno ni District Engineer George D.C. Santos ay natapos sa halagang P20 milyon.

RUBEN FUENTES