BAGONG GANDA NG BORACAY

BORACAY-7

ISA NGA naman sa destinasyon o lugar na madalas na dinarayo ang Boracay dahil na rin sa kagandahan nito. Wala nga namang katulad ang ganda nito kaya’t maging ang mga turista ay kinawiwilihan ang pagtungo sa isla. Kaya nang pansamantala itong isinara, marami ang nalungkot.

Gayunpaman, ang ginawa namang rehabilitasyon ay nagdulot ng kagandahan sa lugar, gayundin sa mga turista.

Hindi rin mabilang ang mga turistang naakit sa panibagong ganda ng isla.

Matatandaang isinara noong Abril ang Boracay para sa rehabilitasyon o pagsasaayos at paglilinis matapos itong tawaging “cess-pool” dahil sa problema sa polusyon.

Matapos ang anim na buwan ay muling binuksan ang Boracay at dinagsa ito ng maraming turista.

Sa tala ng Cagban port ay aabot sa mahigit na 2,900 ang bilang ng turistang dumating sa nasabing lugar.

Samantalang nasa 170 na hotel, 43 na restaurant at mahigit sa 90 iba pang mga negosyo pa lamang ang pinahin­tulutang mag-operate sa muling pagbubukas ng Boracay dahil sila pa lang ang nakasunod sa mga environmental policy ng gobyerno.

ILANG BAHAGI NG KALSADA, HINDI PA NATATAPOS

BORACAY-8Sa ginawang soft opening ng Boracay nitong Oktubre 26, hindi pa rin masasabing natapos na ang rehabilitasyon.

Mayroon pa ring ­ilang bahagi o kalsada na binabakbak at inaayos kaya’t medyo pahirapan ang biyahe.

Sa kabila nito, Ayon kay DENR Undersecretary Atty. Jonas Leones, nakikipag-ugnayan na raw ang local government unit ng Boracay sa Department of Public Works and Highways (DPWH) para maayos ang naturang problema.

Ayon naman kay Public Works Secretary Mark Villar, matatapos gawin ang mga kalsada mula Cagban Port hanggang Station 2 sa Dis­yembre.

Samantala, maaari naman daw abutin ng ilang taon bago makompleto ang pagsasaayos ng buong 20 kilometrong circumferential road ng isla.

BAGONG PANUNTUNAN SA BORACAY

BORACAY-9Marami ang na­bighani o humanga sa pagbabago ng Boracay.

At para hindi na maulit pang muli ang nangyaring problema rito, nagkaroon ng bagong panuntunan ang nasabing isla.

Kabilang sa mga bagong panuntunan ang paglilimita ng bilang ng mga turista at negos­yanteng nag-o-operate sa nasabing lugar.

Bawal na rin ang pagpa-party sa beach, pag-inom ng mga nakalalasing na inumin, pagbebenta ng mga pasalubong, pagtatayo ng mga kastilyong buhangin at ang pagdaraos ng bonfire.

Pinaigting din ang pagpapatupad ng 30-meter buffer zone o pagbabawal sa pagpapatayo ng ano mang istruktura na 30 metro mula sa dagat.

PANUKALANG PAGSASARA NG ISANG BUWAN KADA TAON, PINAG-AARALAN

Pinag-aaralan naman ang pagsasara ng Boracay ng isang buwan kada taon para umano makahinga ang nasabing isla. Iyan ang sinabi ni Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat.

Ipinapaalala rin nito sa mga darayo na ma­ging responsableng turista.

“Please be responsible tourists. We’ve cleaned up Boracay. There’s no more trash. It’s beautiful,” sabi ni Romulo-Puyat.

Idinagdag pa nito na magsilbi tayong halimbawa sa buong mundo na kaya nating panatili­hing malinis ang nasabing isla.

oOo

(Photo courtesy of PNP-Public Information Office)

Comments are closed.