BAGONG GINEBRA ACQUISITIONS PASIKLAB SA MACAU

NASUBUKAN ang lakas at husay ng mga bagong acquisition ng Barangay Ginebra sa kanilang laro sa Macau.

Pinangunahan nina sought-after rookie RJ Abarrientos at last year’s no. 1 overall pick Stephen Holts ang Gin Kings sa 91-87 panalo laban sa P.League+ reigning champion New Taipei Kings sa kanilang exhibition match Miyerkoles ng gabi sa WUS International Basketball Club Challenge.

Isang layup ni Holt ang nagbigay sa Kings ng 85-84 kalamangan bago kumonekta si Abarrientos ng isang three-pointer papasok sa huling dalawang minuto upang palobohin ang bentahe ng Ginebra tungo sa panalo.

Ito ang unang pagkakataon na pinaglaro ng Kings sina Abarrientos, Holt, at iba pa nilang pre-season acquisitions sa isang competitive game bilang paghahanda ng koponan para sa darating na Season 49 ng PBA.

Pormal ding naglaro para sa Ginebra sina Isaac Go, Ben Adamos, at third round pick Paul Garcia, na agad nakuha ang atensiyon ng crowd sa venue.

Makaraang magbanta ang Taipei sa 88-87, isinalpak ng no. 34 pick overall sa nakaraang draft ang isang clutch basket upang bigyan ang Ginebra ng komportableng kalamangan bago na-split ni Holt ang kanyang charities para sa final count.

Nanguna si Japeth Aguilar para sa Kings na may 23 points, habang nagdagdag si Abarrientos, pinili ng koponan sa no. 3 overall ngayong season, ng 20.

Nagtala si Holt, kinuha mula sa Terrafirma kasama si Go kapalit ng duo ninq Christian Standhardinger at Stanley Pringle, ng 14 points sa first half at tumapos na may 19, habang nag-ambag si Garcia, na nagwagi ng championship sa Ateneo, ng 7 points.

Ang Ginebra ay naglaro na wala sina injured players Scottie Thompson, Jeremiah Gray, at Jamie Malonzo, bagama’t sumama sa biyahe sina Gray at Thompson.

Wala rin si import Justin Brownlee dahil nasa Indonesia pa ito at naglalaro sa IBL (Indonesia Basketball League) finals para sa Pelita Jaya kontra Satria Muda.

Ang New Taipei ay naglaro rin na wala ang magkapatid na Joseph at Jeremy Lin at naturalized player Quincy Davis, subalit ipinarada ng koponan si import Kiwi Gardner.