BAGONG GUIDELINES SA ‘EMERGENCY PROCUREMENT’ INIHAIN

ISANG panukalang batas na layong susugan at rebisahin ang mga kasalukuyang panuntunan na may kinalaman sa ‘emergency procurement’ ang inihain sa Senado.

Ayon kay Senador Francis ‘Tol’ Tolentino, dapat maging malinaw sa ilalim ng batas na may sapat na pinansiyal na kakayahan ang isang supplier o kontratista na kukunin ng pamahalaan sa tuwing magkakaroon ng emergency procurement kagaya ng nangyari nitong COVID-19 pandemic.

Layunin ng Senate Bill No. 2433, na amyendahan ang ilang probisyon ng Republic Act No. 9184 o ang Government Procurement Reform Act, lalo na ang mga may kinalaman sa tinatawag na “negotiated procurement.”

Sa ilalim ng SB 2433 na inihain ng senador na kinakailangang magsumite ang mga kontratista/bidder ng sapat sa rekisitos na magpapatunay na may sapat itong pinansyal na kapabilidad na sa ilalim ng mga panuntunang itinakda ng pamahalaan.

Pinapayagan sa ilalim ng RA 9184 na pumasok ang gobyerno sa isang negotiated procurement kung mayroong umiiral na “extraordinary circumstances,”subalit sa kondisyon na ang pipiliing pribadong kontratista ay may legal, teknikal, at pinansyal na kakayahan.

Paliwanag ni Tolentino, wala sa kasalukuyang Procurement Code ang mga panuntunan na direktang makatutukoy kung ang isang supplier o kontratista ay may sapat na kakayahang tumupad sa pinasok nitong kontrata sa pamahalaan.

Dapat na umanong magsilbing aral sa pamahalaan ang nangyaring emergency procurement nitong kasagsagan ng pandemya, at tukuyin ang mga butas sa ilang panuntunan na nakapaloob dito.

Kasalukuyang nagsasagawa ng magkahiwalay na imbestigasyon ang dalawang kapulungan sa Kongreso ukol sa akusasyon ng umano’y overpricing sa pagbili ng mga medical supplies sa kompanyang Pharmally sa ilalim ng RA 11469 o ang Bayanihan to Heal as One Act of 2020.

“The pandemic laid bare disparities in our laws, particularly those related to health care, travel, transportation, and procurement,” ani Tolentino.

Paliwanag ni Tolentino, layon ng SB 2433 ang pwersahang pag-obiliga sa mga supplier at kontratista na magsumite ng mga dokumentong magpapatibay ng kanilang kapasidad sa ilalim ng negotiated procurement scheme.

Giit pa ng senador, panahon na upang susugan ang mga kasalukuyang panuntunan patungkol sa procurement, hindi lang upang mapanatili kundi upang mas mapabuti pa ang mabuting pamamahala sa burukrasya. VICKY CERVALES

181 thoughts on “BAGONG GUIDELINES SA ‘EMERGENCY PROCUREMENT’ INIHAIN”

Comments are closed.