NAGLABAS kahapon ng bagong guidelines ang lokal na pamahalaan ng Paranaque hinggil sa pagpapahaba ng oras sa pagbebenta ng alak at ng iba pang mga nakalalasing na inumin sa lungsod ng hanggang alas-11:00 ng gabi.
Sinabi ni Paranaque City Mayor Edwin Olivarez, ang bagong inilabas na guidelines ay may kaugnayan sa pagtanggal ng liquor ban sa lungsod noong Oktubre 15 kung saan pinayagan na ang mga establisimiyento na magsilbi ng alak mula ala-6:00 ng umaga hanggang alas-8:00 ng gabi.
Gayunpaman, sinabi pa ni Olivarez na sa kabila ng guidelines na extension sa pagbebenta ng alak ng hanggang alas-11:00 ng gabi ay ipagpapatuloy pa rin ng lokal na pamahalaan ang pagbabawal sa pag-inom ng alak sa mga pampublikong lugar sa lungsod.
Sa patuloy naman na pagbaba ng bilang ng kaso ng COVID-19 sa lungsod, inalis na rin ng lokal na pamahalaan ang home quarantine pass requirement at pinapayagan na ring makalabas ng kanilang bahay ang mga indibidwal na may edad 18 hanggang 65 taong gulang.
Bukod dito, ang guidelines ng curfew hour na inilabas ng lungsod noong Oktubre 15 na mula alas-12:00 ng hatinggabi hanggang ala-5:00 ng umaga ay mas pinaiksi pa ito ng hanggang alas 4:00 na lamang ng umaga.
Bagaman mas maiksi na ang ipinatutupad na curfew hour sa lungsod ay inatasan pa rin ni Olivarez ang awtoridad na ipagpatuloy sa pag-sasagawa ng patrolya sa buong lungsod at arestuhin ang mga lalabag na indibidwal sa naturang curfew hour.
Idinagdag pa ni Olivarez na pinayagan na rin ng lokal na pamahalaan ang mas mahabang operasyon ng mga negosyo sa lungsod ng hanggang alas 11:00 ng gabi gayundin sa mga restoran na mayroon lamang na 50% kapasidad na magda-dine in sa kanilang mga establisimiyento. MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.