BAGONG HAMON NAGHIHINTAY KAY CJ SA TERRAFIRMA

CJ Perez

SA KANYANG dalawang taon sa PBA ay napatunayan na ni CJ Perez ang kanyang pagiging solid franchise player para sa Terrafirma.

Ayon kay coach Johnedel Cardel, ngayon ang susunod na hamon para kay Perez ay ang gawing mas magaling ang mga taong nasa paligid niya.

“Sabi ko sa kanya ikaw na ‘yung Michael Jordan, Kobe Bryant, and Lebron James diyan. So you have to involve your teammates. Pagalingin mo sila,” said the soft-spoken coach. “Magaling ka na, so pagalingin mo sila.”

Ang 27-year-old wingman mula sa Lyceum ang one-man wrecking crew para sa  Dyip sa nakalipas na dalawang seasons, na may average na 22.6 points, 7.1 rebounds, at 3.8 assists sa 44 games sa kasalukuyan bilang isang pro.

Sa katatapos na Philippine Cup bubble conference, muli siyang nanguna sa liga sa scoring, na may average na 24.4 points, 6.8 rebounds, at 4.3 assists para magtapos sa ikatlong puwesto sa statistical points standings.

Sa kasawiang-palad, sa kabila ng impresibong numero ni Perez ay mailap pa rin ang panalo para sa franchise kung saan bigo itong makapasok sa playoffs sa ikaapat na sunod na season.

Sa all-Filipino bubble, ang Dyip ay nangulelat na may 1-10  record.

Batid ni Cardel na hindi ito magagawang mag-isa ni Perez at kailangan niya ng tulong ng kanyang mga kasamahan.

“Basta I told him kailangan be a leader inside. Ikaw na ang tinitingnan diyan. Ikaw na ang magdadala diyan,” anang dating PBA player turned coach.

Umaasa si Cardel na makakakuha ng best talent sa draft para idagdag sa young promising core ng koponan na kinabibilangan ng mga tulad nina Juami Tiongson, JP Calvo, Andreas Cahilig, Reden Celda, Glenn Khobuntin, Jeepy Faundo, Joseph Gabayni, Bonbon Batillier, at Christian Balagasay.

“Bata itong team na ito, so it’s a learning process,” aniya. “Ang maganda lang dito kasi mga bata, very coachable.” CLYDE MARIANO

Comments are closed.