PORMAL ng nilagdaan ng Bureau of Corrections (BuCor) at Department of Health (DOH) ang bagong polisiya kaugnay sa 24/7 healthcare access para sa mga persons deprived of liberty (PDL).
Ayon kay BuCor Director General Gregorio Catapang Jr., ang nilagdaan na “National Policy on Promotion and Protection of Health in Jails, Prisons, Custodial Facilities, and Other Places of Detention” ang magbibigay daan para sa mas magandang kalusugan ng mga PDL dahil otomatiko silang kabilang sa National Health Insurance Program.
Sa kasunduan ng BuCor at DOH, kasama na ang mga PDL sa PhilHealth packages sa ilalim ng Universal Health Care Act.
Binigyan-diin ni Catapang na nakapaloob sa konstitusyon ang karapatan sa healthcare services ng mga PDL.
Sa bagong polisiya, ang BuCor, DOH, at mga kaukulang ahensya ay maglalaan ng pondo at bubuo ng mga hakbang para masiguro ang maayos na kalusugan ng mga PDL.
Maglalaan din ang BuCor ng mga serbisyo gaya ng pagbabakuna, mental health seminars, mga programang may kaugnayan sa HIV, feeding programs para sa nakatatandang PDLs, at breast cancer examinations para sa mga babaeng PDLs.
EVELYN GARCIA