BAGONG HENERASYON PARTYLIST: SUWELDO NG MANGGAGAWA TAASAN

Rep Bernadette Herrera-5

PINAPURIHAN  ni House Deputy Speaker at Bagong Henerasyon Rep. Bernadette Herrera ang mabilisang aksiyon ni Labor Secretary Silvestre Bello III kaugnay sa  pag-aatas sa lahat ng regional wage boards na bilisan ang pagrepaso sa minimum wages bilang reaksiyon sa patuloy na pagsirit ng presyo ng langis.

“Panahon na para itaas ang minimum wa­ges. Dapat, makahinga pa rin kahit paano ang mga kababayan natin kahit doble-doble ang problema dahil sa pandemya at sa pagtaas ng presyo ng petrolyo,” ani Herrera.

Mababatid na ka­makailan, inatasan ni Sec. Bello ang lahat ng Regional Tripartite Wages and Productiv Boards (RTWPBs) sa buong bansa na madaliin ang pagrepaso sa daily base pay ng mga mang­gagawa.

Ayon sa Kalihim, ang dati nang mataas na halaga ng krudo ay lalo pang lumala dala ng krisis sa pagitan ng Ukraine at Russia.

Inayunan naman ni Herrera ang pahayag ni Bello na ang kasalukuyang daily minimum wage sa National Capital Region na P537 ay hindi na angkop sa halaga ng mga pangunahing bilihin tulad ng pagkain, at sa mga bayarin sa koryente at tubig.

Umaasa si Herrera na sa mga darating na araw ay makapagpalabas ang RTWPBs ng mga nauukol at katanggap-tanggap na wage hikes sa kani-kanilang hurisdiksyon.

“Dapat lang na ibigay natin sa mga manggagawa ang kaukulang tulong sa mga ganitong pagkakataon para na rin sa kapakanan ng kani-kanilang pamilya. Ito ay sa kabila ng pag-iingat din natin sa estado ng mga negosyo at ng mga industriya sa bansa,” ayon pa kay Herrera.

Nagpahayag ang mambabatas na handa itong makipatulungan kay Bello at sa executive department upang mas mapagaan ang epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa pamamagitan ng paglikha ng mga batas.

“Kung may maitutulong ako, bilang mambabatas, nais kong ipabatid kay Sec. Bello na buo ang aking pagsuporta sa kanila at handang makiisa sa kung anumang isusulong nilang panukala sa Kongreso para sa kapakanan ng ating mga manggagawa,” dagdag pa ng kongresista.