CAMP AGUINALDO – INAMIN ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na mayroon silang bagong laban na pinaghahandaan.
Ayon kay AFP Spokesman Marine Col. Edgard Arevalo, determinado sila na i-neutralize o durugin ang bagong emir ng ISIS sa Filipinas kahit sino pa ito.
Ginawa ni Arevalo ang pahayag nang ihayag ni Interior Sec. Eduardo Año na si Abu Sayyaf leader Hatib Hajan Sawad-jaan ang bagong “emir” ng ISIS sa bansa.
Ang salitang “emir” o “ameer” ay salitang Arabic na tumutukoy sa noble, may mataas na kapangyarihan at namumuno habang sa diksyonaryo ay “an aristocratic or noble and military title of high office” in a variety of places in the Arab countries, West Africa, and Afghanistan.
Naniniwala si Arevalo na mabusisi ang proseso ng pagpili at pagkumpirma ng Central ISIS ng isang emir.
Ayon naman kay Western Mindanao Command Spokesperson Lt. Col. Gerry Besana, na bagaman patuloy ang kanilang validation na si Sawadjaan ang ISIS Emir ng Filipinas, malaki ang posibilidad na maging emir ng ISIS-Philippines nga ito dahil mas radikal, notoryus at sikat ito ngayon.
Ang ISIS sa Filipinas ay sinusuportahan ng apat na grupo sa Mindanao at ang mga ito ay ang grupo ng Maute-ISIS sa pamumuno ni Marohomsar Salic alyas Abu Dar na nag-o-operate sa Lanao area; grupo ni Basilan-based ASG leader Furuji Indama; grupo ni Sawadjaan; at ang grupo ni Abu Turaife sa Maguindanao, kabilang sina Salahuddin Hassan at Mawiya. EUNICE C.
Comments are closed.