BAGONG ITSURA NG P5, P20 IPINASILIP NG BSP

P5-P20

IPINAKITA na ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang magiging bagong mukha ng P5 at P20 na barya.

Ayon kay BSP – Security Plant Complex Senior Assistant Governor, Engineer Dahlia Luna, enhanced o mas pinaganda ang itsura ng P5 barya.

Aniya, binago nila ang hugis nito para maging distinct at hindi na mapagkamalan pa bilang P1 coin.

Sa halip na bilog, nilagyan na ng kanto ng BSP ang P5 barya at ginawang nonagon o hugis na may siyam na gilid.

Samantala, nadagdag naman sa mga perang barya ang P20 mula sa dating papel.

Ang P20 na barya ay nagtataglay ng two-tone color na pilak at ginto kung saan makikita pa rin ang mukha ni dating Pangulong Manuel L. ­Quezon.

Sinabi ni Luna na nagpasiya ang BSP na gawing barya ang P20 para mas mapahaba ang buhay nito dahil ito ang pinakanagagamit na perang papel.

“Kung papalitan mo siya ng coin dahil [ang] coin, made of metal right? So mas mahaba yung kanyang life at kahit gami-tin sa palengke, hindi siya mas madaling masira,” wika ni Luna.

Comments are closed.