BAGONG KASO NG COVID-19 NAITALA NG PNP

MAKARAAN ang ilang araw na walang nagpositibo sa COVID-19, isa pang pulis ang naiulat na tinamaan ng nasabing sakit.

Batay sa record ng PNP-Health Service, positibo ang resulta ng RT-PCR test ng isang pulis habang isa naman ang nakarekober.

Dahil sa dagdag-bawas na galawan sa kaso ng coronavirus disease, 26 na pulis ang patuloy na ginagamot sa iba’t ibang quarantine facilities.

Pumalo naman sa 48,857 naman ang kabuuang kaso nito simula noong Marso 2020.

Habang nasa 48,703 ang mga nakarekober at 128 ang nasawi na ang una fatality ay noong Abril 2020 habang ang pinakahuli ay noong Pebrero 1, 2022.

Nasa 222,244 pulis naman ang fully vaccinated; 1,831 pulis ang naghihintay ng ikalawang dose ng bakuna habang 593 ang hindi pa nababakunahan.

Sa nasabing bilang ng hindi bakunadong pulis, 278 ay may comorbidities o medical condition habang ang 315 pulis ay pawang hesitant at may sariling paniniwala laban sa bakuna.

Gayunpaman, 150,272 pulis ang tumanggap na ng booster shot. EUNICE CELARIO