IGINIIT ni Senate President Vicente Tito Sotto III na hindi madidiktahan ng Malakanyang ang susunod na komposisyon ng mga miyembro ng Senado sa pagbubukas ng 18th Congress.
Ito ang kumpiyansang pahayag ni Sotto sa isinagawang Kapihan sa Senado.
Ayon kay Sotto, makikita naman sa mga panayam sa ilang mga kaalyado ng administrasyon na hindi ito magpapadikta sa palasyo at aaksiyon alinsunod sa kanilang prinsipyo at konsensiya.
Tinukoy rin ni Sotto ang kasalukuyang 17th congress na kung saan nanatiling independent ang senado.
Gayunpaman, aminado si Sotto na sinusuportahan naman nila ang Pangulong Duterte sa mga batas na sa palagay nila ay makakabuti para sa bayan.
Kaugnay rin nito, naniniwala si Sotto na posibleng makalusot sa Kongreso ang pagbuhay sa parusang bitay.
Aniya, karamihan sa mga nasa top 12 ay pabor sa death penalty subalit para lamang sa mga heinous crime tulad illegal drug trade at kapag ipinilit ang ilang krimen sa nasabing panukala ay tiyak na maraming senador ang tututol dito.
Gayunpaman, nilinaw ni Sotto na hindi naman prayoridad ng senado ang death penalty ngunit sakaling may maghain nito sa 18th congress ay tiyak itong tatalakayin at may posibilidad na makalusot sa senado. VICKY CERVALES
Comments are closed.