COTABATO- HINDI na umabot pa ng buhay sa pagamutan ang isang bagong halal na konsehal ng Barangay sa Midsayap matapos barilin ng sariling pinsan nang magkaroon ng mainitang pagtatalo kamakalawa ng umaga sa lalawigang ito.
Batay sa report. personal na kinilala ni Lt Col John Miridel Calinga, hepe ng pulisya sa bayan ng Midsayap, ang biktima na si Suharto Antilino, 35-anyos at bagong proklamadong “Barangay Kagawad” ng Poblacion 3.
Nabatid sa mga kaanak at nakasaksi sa naturang insidente, sinabi ni Calinga na ang hindi pa nakikilalang gunman ay pinsan ng biktima.
Aniya, nangyari ang pamamaril dakong alas-9:30 ng umaga nitong Miyerkules malapit sa barangay hall.
“Ibinunyag ng mga saksi na nagkaroon ng pagtatalo sa pagitan ni Antilino at ng kanyang pinsan bago ang pamamaril,” ani Calinga.
Sinabi ni Calinga na narinig ng mga kamag-anak ang kanyang pinsan na nagsasabi kay Antilino na “huwag kang ganyan, pinsan ko,’ sa Maguindanao dialect.
Sinabi ng ilang saksi na tumakbo si Antilino ngunit hinabol siya ng gunman na nagpaputok at nabaril ang biktima.
Agad naman isinugod sa pagamutan ang biktima, subalit idineklara itong dead on arrival sanhi ng tinamong tama ng bala ng baril sa ulo.
Nakakita ang mga rumespondeng pulis ng isang basyo ng bala ng .45 pistol sa pinangyarihan ng krimen.
Sinabi ni Calinga na ang pamamaril ay hindi nauugnay sa halalan ngunit higit pa sa isang “personal na samaan ng loob” na kinasasangkutan ng biktima at suspek. EVELYN GARCIA