BAGONG KONTRATA ‘DI PA NATATANGGAP NG MWC, MAYNILAD

MAYNILAD-MANILA WATER-2

HINDI pa natatanggap ng Maynilad at Manila Water ang bagong kontratang iniaalok ng pamahalaan.

Nag-alok si Pangulong Rodrigo Duterte noong Martes sa dalawang water firms ng bagong concession agreements na hindi nagtataglay ng mga probisyon na makasasama sa pamahalaan at sa publiko.

Nauna nang sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na sakaling hindi tanggapin ng Maynilad at Manila Water ang  bagong kontrata ay ipag-uutos ni Duterte ang military takeover sa water services at pananagutin ang lahat ng nasa likod ng kasalukuyang kasunduan.

Subalit sa kasalukuyan ay hindi pa natatanggap ng dalawang water concessionaires ang bagong kontrata.

“We cannot make any statement since we have not received a copy of the said new agreement,” ani Manila Water spokesperson Jeric Sevilla.

Sinabi naman ni Maynilad Spokesperson Jennifer Rufo na kanila pang hinihintay ang kopya ng nirepasong concession agreement.

“We have yet to be provided a copy of the amended contract, but we wish to reassure the President of our continuing cooperation,” aniya.

Comments are closed.