Inilunsad ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang Gawad Jacinto sa Sanaysay, ang kauna-unahan nitong timpalak sa pagsulat sa sanaysay para sa kabataang Filipino at kanilang katutubong wika.
Bilang bahagi ng deklarasyon ng UNESCO para sa 2019 bilang Pandaigdigang Taon ng mga Katutubong Wika at ang taunang pagdiriwang ng bansa para sa Buwan ng Wika sa darating na Agosto, ang mga Filipinong mag-aaral mula baitang 7-11 ay hinihikayat na ilahok ang kanilang mga sanaysay hinggil sa kahalagahan ng katutubong wika ng bawat isa at ang kaalaman na makukuha mula rito.
Ang mga isusumiteng sanaysay ay hindi hihigit sa 1,000 salita at nakasulat sa wikang Filipino.
Ang mga magwawagi ay makatatanggap ng sumusunod na gantimpala: PHP20,000 (unang gantimpala), PHP15,000 (ikalawang gantimpala), at PHP10,000 (ikatlong gantimpala). Ang mga magwawaging lahok ay may pagkakataon ding mailimbag ng KWF sa hinaharap.
Ipinangalan ang timpalak kay Emilio Jacinto (1875-1899), isang rebolusyonaryong manunulat at kabilang sa hanay ng mga bayaning kabataan. Sumali sa Katipunan si Jacinto sa murang edad at nagsulat ng mga importanteng dokumento gaya ng Kartilya, Liwanag at Dilim, at Pahayag.
Ang huling araw ng pagsusumite ng mga lahok ay sa 28 Hunyo 2019. Ang mga magwawagi ay kikilalanin sa Pammadayaw ng KWF, isang seremonya ng pasasalamat na mangyayari sa 27 Agosto sa Sentrong Pangkultura ng Filipinas (CCP).
Para sa karagdagang impormasyon, bisitahin ang kwf.gov.ph o tumawag sa 736-2519.
Comments are closed.