BAGONG LAYA NIRATRAT NG TANDEM SUSPECTS

riding in tandem

MAKATI CITY – PATAY ang isang 41-anyos na lalaki makaraang pagbabarilin ng riding in tandem suspects kama­kalawa sa lungsod na ito.

Agad ding namatay sa lugar ng pinangyarihan sanhi ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktima na kinilalang si Leandro Mayor, walang trabaho, residente ng 1892 M. Reyes St., Brgy. Bangkal, Makati City.

Mabilis namang tumakas ang dalawang suspek lulan ng kanilang motorsiklo.

Base sa imbestigas­yon ni Senior Master Sergeant Ronaldo Villaranda, may hawak ng kaso, nangyari ang insidente ng pamamaril bandang ala 1:18 ng hapon kamakalawa sa kanto ng M. Reyes at Cailles St., Brgy. Bangkal, Makati City.

Napag-alaman na nakatayo ang biktima sa lugar nang biglang duma­ting ang mga suspek na nakasakay sa kanilang motorsiklo at pagtapat ng mga ito kay Mayor ay agad na pinaputukan ng sunod-sunod ang biktima na naging dahilan ng kanyang agarang kamatayan.

Sa salaysay na ibi­nigay sa pulisya ng pamangkin ng biktima na si Alberto Mayor, ang kanyang tiyuhin ay sangkot sa mga ilegal na aktibidad sa kanilang barangay tulad ng pagtutulak ng droga at ilegal na pagsusugal.

Dagdag pa ni Alberto, kalalaya lamang sa kulungan ng kanyang tiyuhin na biktima dahil sa kasong paglabag sa RA 9165 bago maganap ang pamamaril dito.

Patuloy ang imbestigasyon ng Makati City police sa naturang kaso upang matunton ang pagkakakilanlan ng mga suspek na hanggang sa kasalukuyan ay patuloy pa ring nakalalaya. MARIVIC FERNANDEZ

Comments are closed.