BAGONG LIDER NG DAULAH ISLAMIYA UTAS SA ENGKUWENTRO

PATAY ang bagong hirang at leader ng Daulah Islamiya Terrorist Group at apat nitong kasamahan nang makasagupa ang mga elemento ng Joint Task Force Central sa Barangay Dabenayan, Mamasapano, Maguindanao.

Kinilala ang napatay na itinalagang bagong pinuno na si Asim Karinda alias Abu Azim, isang trained IED fabricator at bomb maker na siyang humalili kay Salahudin Hasan na nasawi sa engkuwentro sa Damablac, Talayan, Maguindanao nito lamang Oktubre 29.

Kinumpirma ni Major General Juvymax Uy, Commander ng Joint Task Force Central at 6th Infantry Division, ang pagkakapaslang kay Azim kasama ang apat pang mga tauhan nito.

Sa pahayag ni Lt.Colonel Charlie Banaag, Commanding Officer ng 6th Infantry Battalion na silang nakalaban ng grupo nina Azim, tumagal ng halos isang oras ang bakbakan na nagsimula ala-1:30 ng madaling araw.

“Our ground forces recovered the abandoned lifeless bodies of Azim and his 4 followers after the firefight,” ayon kay Banaag habang wala namang nasugatan sa kanyang mga tauhan.

Kinilala rin ang apat pang DI members na kasamang napatay na sina Fahad Salipada alias Naz, close-in security ni Salahudin Hasan; Hamsallah Ganoy Salangani; Salah Salipada; at alias Tatoks.

Agad na ibinigay sa local officials ang mga bangkay para sa kaukulang paglilibing base sa tradisyon ng mga kapatid na Muslim. VERLIN RUIZ