Mga dapat na isaalang-alang sa pagdedekorasyon
(ni CT SARIGUMBA)
INIISIP kaagad natin kapag lumipat tayo sa bagong bahay o apartment ay kung paano ito mapagaganda lalo na kung hindi naman brand new. Hindi lahat ng nalilipatan natin, maganda na o maayos nang tingnan. Kadalasan, kailangan pa nating baguhin o lagyan ng kung ano-anong design na swak sa ating panlasa.
Mahirap humanap ng matitirhan na maganda at pasok sa taste mo lalo na kung hindi gaanong kalakihan ang budget. Kaya minsan, basta’t maayos pa ay binibili natin at paunti-unti ay pinagaganda o nire-renovate.
Sa mga bagong lipat at nagtitipid pero gusto pa ring i-upgrade ang mga bahay, hindi kayo dapat malungkot dahil may mga paraang puwedeng subukan. Narito ang ilang tips na maaari ninyong subukan kung nais ninyong pagandahin ang inyong bagong tirahan:
KALIDAD NG GAGAMITING PANDEKORASYON
Nagtitipid ang marami sa atin. Kung minsan, sa pagbili ng mga kakailanganin ay naisasaalang-alang ang kalidad ng isang produkto.
Sabihin mang nagtitipid tayo, hindi pa rin ibig sabihing bibili tayo ng mga gamit o produktong madaling masira. Importante ang kalidad dahil sabihin mang mas mahal ito, mapakikinabangan naman ito ng matagal.
Sa pagbili ng kahit na anong bagay o produkto, isipin mo ang kahalagahan at kung tatagal ba ang bibilhing gamit. Huwag padadala sa pag-iisip na dahil mura bibilhin na kaagad. Dahil swak sa budget mo, hindi na maghahanap ng mas maganda at mas mati-bay.
Bago rin ang pagbili ay mag-research muna kung anong mga gamit ang magaganda ang kalidad at kayang-kaya lang din sa budget. Tiyaga lang, makahahanap ka rin.
I-UPGRADE ANG WALL
I-upgrade rin ang wall ng gumanda ito lalo na kung hindi ninyo type ang kulay ng pintura o wallpaper na ginamit. Pumili lang ng kulay na gusto ng buong pamilya. Maaari rin naman gawing option ang pagkakabit ng wallpaper lalo na’t maraming mapagpipilian sa panahon ngayon.
Tiyak na mag-iiba ang dating ng inyong bahay kapag na-upgrade ito. Maganda rin kung ang gagamitin mong kulay ay masarap sa paningin.
Kung maganda rin sa paningin ang kabuuan ng ating bahay, mas nakapagre-relax tayong mabuti.
GUMAMIT NG MAGANDANG KURTINA AT ATTRACTIVE NA PILLOWS
Lalong gumaganda ang living room kapag maalwan o maganda sa mata ang kabuuan nito. Kaya para lalong gumanda ang isang lugar ay pumili ng kurtinang maganda sa paningin at mga throw pillow na attractive.
Nakapagbibigay ng ganda ang kurtina sa isang lugar bukod sa hinaharang nito ang sikat ng araw na nagmumula sa labas ng bahay at hindi gaanong maaninag ang loob ng bahay ng mga taong nasa labas.
Bukod din sa kurtina, mainam din ang paglalagay ng attractive pillows o sofa pillows.
Nakapagbibigay ito ng ganda at nagiging trendy rin ang look ng isang lugar.
HUWAG ITAMBAK ANG MGA NATANGGAP
NA ITEMS AT GAMITING PANDEKORASYON
Imbes din na itambal lang ang mga item o bagay na natatanggap o regalo, mas mainam kung gagamitin itong pandekorasyon. Bukod sa mababawasan na ang tambak sa inyong bahay o kuwarto, mapagaganda pa nito ang inyong bahay.
Kaya naman, i-check mo ang mga iniregalo o ibinigay sa iyo ng mga kaibigan mo at kapamilya noong nakaraang mga taon at isipin mo kung paano mo ito magagamit.
Hindi ka na gumastos, napakinabangan mo pa ang mga nakatambak na gamit ng kaibigan mo o kapamilya. Nai-display mo rin ang mga ibinigay sa iyo ng mga kaibigan mo at kapamilya.
GAWING CREATIVE ANG STORAGE
O LAGAYAN NG MGA GAMIT
Storage, iyan ang kailangang-kailangan natin lalo na kung hindi naman kalakihan ang bahay na mayroon tayo. May mga gamit ngayon na doble ang pakinabang na maaari nating gamitin para may mapaglagyan ang mga kung ano-anong abubot na pag-aari natin.
Halimbawa na lang ay ang upuan o table, sa panahon ngayon, makabibili ka na ng upuan at table na bukod sa puwede mong upuan at pagpatungan, maaari mo pang gawing storage. Hindi nga naman sisikip ang bahay mo. Kaya kung maliit ang space mo, ganitong mga gamit ang hanapin mo, tiyak na matutuwa ka sa magiging pakinabang ng mga ito sa iyo.
GUMAWA NG SARILING
DEKORASYON
Hindi rin naman kailangang bumili ka ng mga pandekorasyon, dahil kung mahilig ka sa art, tiyak na makagagawa ka ng mga bagay na swak na swak sa iyong tinitirhan. Kaya naman, gamitin na ang kakayahan mo sa paggawa ng mga bagay-bagay, nakatipid ka na, nagamit mo pa ang kakayahan mo at higit sa lahat, naging maganda pa ang inyong tahanan.
Hindi naman kailangang gumastos ng malaki para lang mapaganda ang tahanan.
May mga simpleng paraan na maaari nating subukan. Maging creative lang tayo. At sa pagiging creative, hindi tayo magkaka-mali sa pagpapaganda ng ating tahanan.
Kanlungan nga naman natin sa kahit na anong panahon ang ating tahanan, Kaya’t ingatan natin ito. At kung anumang proteksiyon ang ibinibigay nito sa atin laban sa init, ulan o bagyo ay ganoon din ang ibalik natin sa ating tahanan.
Tahanang piping saksi sa pagmamahalan ng magkakapamilya. Saksi sa lungkot at sayang kinahaharap ng mga naninirahan dito.
Mahalin natin ang ating tahanan at pagandahin natin ito gamit ang simpleng paraan. (photos mula sa gharexpert.com, drivenbydecor.com, www.decorifusta.com at homesfeed.com)
Comments are closed.