LAGUNA – NASAPOL ng closed circuit television (CCTV) ang pag-iwan ng isang babae sa bagong luwal na sanggol na lalaki sa Florante St., Brgy. Poblacion, Biñan City.
Nakita sa CCTV, ang pinaghihinalaang ina ng bata habang iika-ika pa kung paano ito nagtungo sa lugar sa mismong pagitan ng dalawang nakahimpil na sasakyan kung saan niya iniwan ang sanggol alas- 4:28 ng madaling araw.
Kaugnay nito, sinasabing mag-alas-6:00 ng umaga nang hindi inaasahang matagpuan ng mga street sweeper sa lugar ang naturang sanggol na nakasilid sa isang kulay dilaw na eco bag na nakakabit pa ang pusod.
Isinugod ng pamunuan ng Barangay sa Ospital ng Biñan ang sanggol bago ito nilapatan ng paunang lunas kung saan nasa maayos na itong kalagayan.
Maputi at malusog aniya ang bata ayon sa nakatalagang mga doktor kung saan inilipat na rin ng mga ito sa pangangalaga ng pamunuan ng Biñan City Social Welfare and Development Office (CSWDO).
Samantala, hinala naman ng mga residente sa lugar na posible umanong sa karatig lamang na barangay naninirahan ang ina ng bata kasunod ang panawagan ng mga ito na maawa sa kanyang anak, huwag matakot at agarang makipag-ugnayan sa mga ito para kanilang matulungan. DICK GARAY
Comments are closed.