NANAWAGAN si Caceres Archbishop Rolando Tria Tirona ng panalangin mula sa publiko para sa mga bagong halal na opisyal ng pamahalaan.
Kasunod na rin ito nang katatapos na midterm elections noong Mayo 13 at inaasahang maipoproklama na ngayon ang mga kandidatong wagi sa senatorial polls.
Ayon kay Bishop Tirona, malaki ang maitutulong ng panalangin upang matupad ng mga nanalong kandidato ang kanilang mga ipinangako sa mga mamamayan noong panahon ng kampanya.
“We likewise pray and be vigilant that the important principle of check and balance may not be eradicated,” aniya pa.
“And may the elected leaders do their fresh mandate with dedication and unselfish service for the common good,” panalangin pa ni Tirona.
Pinapurihan din naman ng arsobispo ang pamahalaan dahil sa naging mapayapa sa kabuuan ang idinaos na midterm elections sa bansa.
Samantala, aminado si Tirona na nababahala siya at nadidismaya sa naging resulta ng senatorial elections matapos na madomina ng mga kandidatong kaalyado ni Pangulong Rodrigo Duterte ang senatorial race, batay na rin sa resulta ng isinasagawang canvassing ng mga boto ng Commission on Elections (Comelec), na siyang tumatayong National Board of Canvassers (NBOC) para sa midterm polls.
Nananawagan pa ang arsobispo nang pagdaraos ng mas intensibong voters’ education na siyang susi upang magkaroon ng mahuhusay na lider ang bansa, na tunay na magseserbisyo sa bayan.
Ayon pa kay Tirona, ang sitwasyon ay dapat na magsilbing hamon sa mga Katoliko na higit na maging pursigido sa pagbabago ng ‘mindset’ at ‘voting preferences’ ng publiko.
“We must take seriously the voters education beginning with our youths through our Catholic schools, parishes and youth organizations,” anang arsobispo. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.