LUNGSOD NG MALOLOS – Tumanggap ng mga makinarya at iba pang kagamitang makatutulong sa kanilang hanapbuhay at makapagpapababa ng post-harvest losses ang mga Bulakenyong magsasaka at mangingisda sa idinaos na “Farmers and Fisherfolks Assembly 2019” sa Bulacan Capitol Gymnasium sa lungsod na ito kahapon.
Ang mga nasabing makinarya at kagamitan ay ipinagkaloob ng Department of Agriculture Region (DA) 3, Bureau of Fisheries and Aquatic Resources Region (BFAR) 3 at Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan.
Sa ilalim ng Farm Mechanization Program ng DA 3, 27 makinarya at mga kagamitang pangsaka ang ipinagkaloob sa may 27 asosasyon ng magsasaka kabilang ang 11 na seed spreader, apat na four-wheel drive tractor, apat na rice transplanter, tatlong hand tractor, isang combine harvester, isang recirculating dryer, isang mobile flash dryer, isang grain collector at isang warehouse.
Samantala, may kabuuang 5,633 na mga makinarya at kagamitang pangsaka at pangingisda naman ang ipinagkaloob ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pamamagitan ng Provincial Agriculture Office sa humigit kumulang 1,200 na magsasaka at 356 na mangingisda kabilang na ang 5,100 bags ng organic fertilizers, 332 yunit ng gillnets with accessories, 100 na knapsack sprayers, 40 na small farm reservoir o tabon, 37 na pump and engine set o shallow tube well (STW) at 24 na marine engines.
Gayundin, nagkaloob ang BFAR 3 ng 320 yunit ng portable solar lamps sa may 320 rin na mangingisda.
Sa kanyang mensahe, nalulugod na ibinahagi ni Gob. Wilhelmino M. Sy-Alvarado na kabilang pa rin ang Bulacan sa “10 Most Outstanding Provinces in the Field of Rice Production” sa anim na taon ng kanyang panunungkulan.
“Nagpapasalamat tayo dahil sa patuloy na pagsusumikap ng ating mga magsasaka at mangingisda kung kaya naman lubos na napapanahon na paigtingin pa natin ang pagpapahalagang itinutuon po natin sa pagsasaka at pangingisda sa pamamagitan ng pagbabahagi ng mga bagong kasangkapan at makinarya,” ani Alvarado. A. BORLONGAN
Comments are closed.