NAGBABALA ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) sa publiko na maging alerto at mag-ingat dahil sa posibleng paglulunsad ng ibat ibang modus operandi ng mga criminal element ngayon panahon ng kapaskuhan para makapanlinlang at kumita.
Isa sa mga paalala ng PNP, ang inaasahang pagpapakalat ng mga pekeng peso bill ng sindikato na kadalasan ay inilalabas sa panahon ng kapaskuhan kung saan maraming bagong banknotes din ang lumalabas.
Ayon kay PNP Spokesperson Col. Jean Fajardo, karaniwang modus ito ng mga kawatan ngayong Pasko.
Kaya payo nito, agad dumulog sa pinakamalapit na police station kung kayo man ay nabiktima o napasahan ng pekeng pera para agad magawan ng kaukulang aksyon at mahuli ang nasa likod nito.
Paalala pa ng PNP sa publiko na suriing mabuti ang safety features ng mga perang papel kabilang na ang watermark at serial number.
Kabilang sa mga modus, ang laglag barya, basag-kotse, ibat ibang street crimes gaya ng snatching theft at robbery.
Kaya naman mahigpit ang paalala ng PNP sa publiko na gawin ang ibayong pag-iingat at kung maaari ay magdala lamang ng sapat na perang ipambibili ng mga pangangailangan para sa okasyon.
Payo rin ng PNP, huwag nang magsuot pa ng mamahaling alahas o ilabas at i-display ang mga kagamitang mainit sa mata ng mga magnanakaw
Dahil kadalasang tumataas ang kaso ng robbery at theft tuwing holiday season na unang nang inatasan ni PNP Chief Gen. Rodolfo Azurin Jr., ang mga kawani ng PNP na paigtingin pa ang police visibility sa mga matataong lugar.
Samantala, sa darating na Disyembre 15 ay nakatakda namang magpatupad ng full alert ang pambansang pulisya na magtatagal naman hanggang Enero 18, 2023.
Kaugnay nito, pansamantala munang kakanselahin ang lahat ng leave ng mga pulis simula Disyembre 15 hanggang Enero 10 upang tiyakin ang maximum deployment ng pulisya at masiguro naman ang pagpapatupad ng mahigpit na seguridad sa panahon ng Kapaskuhan.
Aniya, maging ang mga pulis na naka-assign sa mga administrative duties ay ire-require na magpatrol partikular na sa mga lugar na karaniwang pinupuntahan ng mga tao.
VERLIN RUIZ