BAGONG NAPOLES

MASAlamin

MAY isang bagong iskema ng korupsiyon ngayon ang nabubuo  sa Kamara ng mga Representante na posib­leng maghunos bilang ‘bagong Napoles scam’.

Inobasyon ito ng tradisyonal na pork barrel scheme kung saan kinokontrol ito ngayon ng binansagang ‘Reyna ng Appro’ na isang retiradong director.

Katuwang ng retiradong director ang ini­rekomenda niyang  pamangkin para makontrol ang badyet na nakalaan sa PDAF at DPWH.

Dating hepe ng Committee on Appropriations ang retiradong opisyal pero nagawa niyang makabalik bilang consultant dahil ‘na-hostage’ niya ang proseso sa pagbabadyet at koordinasyon sa mga kongresista.

Nagdududa ang ­ilang nagmamasid kung bakit nakabalik sa posisyon ang retirada na gumawa ng paraan upang mahawakan ng kanyang pamangkin ang maseselang transaksiyon sa paglalaan ng pondo.

Target sa maniobra ang badyet sa tradisyonal na priority development assistance fund (PDAF) ng mga kongresista at ang dambuhalang pondo na nakalaan  sa DPWH.

Pinagdududahan ang pagtatalaga bilang consultant sa retiradang opisyal dahil hindi siya ‘tauhan’ ng matataas na opisyal na  Kamara tulad nina Speaker Alan Peter Cayetano, Majority leader Martin Romualdez at maging ng incoming speaker na si Rep. Lord Alan Cayetano.

Sinasabing paroon at parito sa ibang bansa ang ‘magtiyahin’ kung saan isinasama sila ng mga kongresista sa mga official travel bukod pa ang pambihirang lifestyle.

Imbes na mag-opisina sa tanggapan ng committee on appropriations, ang magtiyahin ay gumagawa ng transaksiyon sa opisina ng isang kongresista na may kontrol ngayon sa paglalaan  ng mga pondo.

Demoralisado nga­yon ang mga kawani sa Committee of Appropriations dahil itinatago sa kanila ang pag-aayos ng transaksiyon sa paglalaan ng pondo.

Nagtatanong ang ­ilang grupo kung anong ‘mina’ ng kayamanan mayroon ang tanggapan ng committee chairman at kung anong klase ng  ‘silya’ ang nasa mesa nito dahil dito naglalagi ang magtiyahin sa pag-aayos ng pondo imbes na sa tanggapan ng Committee on Appropriations.

Comments are closed.