(Bagong NBA single-season record) 27TH STRAIGHT LOSS SA PISTONS

UMISKOR si Cameron Johnson ng 24 points at dinispatsa ng bisitang Brooklyn Nets ang Pistons, 118-112, para sa single-season NBA record na 27th consecutive loss ng Detroit noong Martes ng gabi.

Napantayan ng  Pistons ang record sa 126-115 setback laban sa Brooklyn noong Sabado.

Nalampasan ng 27-game losing streak ng Pistons ang record ng 2010-11 Cleveland Cavaliers at 2013-14 Philadelphia 76ers, na may tig-26 straight loss.

Tangan ng Philadelphia ang pinakamahabang  losing streak sa loob ng  dalawang seasons. Ang 76ers ay natalo ng 28 sunod sa pagitan ng katapusan ng 2014-15 season at ng pagsisimula ng 2015-16 campaign. Maaaring pantayan ng Pistons ang naturang skid sa pagbisita sa  Boston Celtics sa Huwebes.

Nagposte si Mikal Bridges ng 21 points at nag-ambag si Cam Thomas ng 17 para sa Brooklyn noong Martes. Nagdagdag sina Nic Claxton at Day’Ron Sharpe ng tig-11 points at 11 rebounds.

Nanguna si Cade Cunningham para sa Pistons na may 41 points, 37 sa second half. Kumabig si Bojan Bogdanovic ng 23 points, gumawa si Alec Burks ng 15 at nakalikom si Jalen Duren ng 12 points at 15 rebounds.

Kumarera ang Pistons sa 22-8 lead pagkalipas ng mahigit anim na minuto sa first quarter, subalit lumapit ang Nets sa anim na puntos sa  31-25 sa pagtatapos ng frame.

Pagkatapos ay gumamit ang Nets ng 9-0 run upang kunin ang 42-38 bentahe

Blazers 130,
Kings 113

Nagbuhos si Anfernee Simons ng 29 points at nagtala si rookie reserve Duop Reath ng career highs na 25 points at 9 rebounds upang tulungan ang Portland Trail Blazers na maitarak ang 130-113 panalo laban sa bisitang Sacramento Kings.

Nagsalansan si Malcolm Brogdon ng 19 points, 6  assists at 5 rebounds para sa Portland na nanalo sa ikalawang pagkakataon pa lamang sa 11 games. Nagdagdag si Jabari Walker ng 17 points mula sa bench at tumipa si rookie backup Scoot Henderson ng 17 points at nagbigay ng career-best 11 assists para sa  Trail Blazers.

Napantayan ni De’Aaron Fox ang kanyang season high na 43 points at nagsalpak ng career-best seven 3-pointers para sa Kings. Umiskor si Domantas Sabonis ng season-best 34 points at nagdagdag ng 12 rebounds at 5  assists para sa Sacramento, na nalasap ang ikalawang sunod na kabiguan.

Nagdagdag si Jerami Grant ng 13 points para sa Portland, na naglaro na wala sina Deandre Ayton (knee) at Shaedon Sharpe (adductor). Ang Trail Blazers ay may commanding 65-17 edge sa bench points habang nakalikom ng season-high point total.

Bumuslo ang Portland ng 50 percent mula sa field, kabilang ang 16 of 40 (40 percent) mula sa 3-point range.

Bulls 118,
Hawks 113

Tumabo si Andre Drummond ng 24 points at 25 rebounds upang tulungan ang Chicago Bulls sa 118-113 panalo kontra bisitang Atlanta Hawks.

Si Drummond ay naging  sixth player pa lamang na nagtala ng 20-20 game sa NBA ngayong season. Nagdagdag si DeMar DeRozan ng 25 points para sa Bulls, na nanalo sa ika-4 na pagkakataon sa limang laro.

Tumipa sina Coby White at Ayo Dosunmu ng tig- 19 para sa Chicago.

Nanguna si Bogdan Bogdanovic para sa Atlanta na may 22 points habang nagdagdag si Trae Young ng 21 points at 13 assists.  Tinatarget ni Young na burahin ang record ni Oscar Robertson na pitong sunod na 30-point, 10-assist games subalit napantayan lamang ito. Nagbuhos si Dejounte Murray ng 17 points habang nagposte sina Saddiq Bey at Clint Capela ng tig-13.