BAGONG OMBUDSMAN, HUWAG AGAD HUSGAHAN – REP. ATIENZA

Rep Lito Atienza

“JUSTICE Martires has a very tough mission ahead of him. Let’s give him the chance to do his job,”

Ito ang masidhing panawagan ni House Senior Deputy Minority Leader at Buhay Hayaan Yumabong (BUHAY) partylist Rep. Lito Atienza sa mga kritiko o kumukuwestiyon diumano sa pagkakahirang kay Supreme Court (SC) Associate Justice Samuel Martires bilang bagong Ombudsman.

“Our impression of the new Ombudsman is that he is a fair-minded person who will uphold the law without bias or prejudice,” sabi pa ng senior ranking minority bloc leader at three-termer mayor ng Lungsod ng Maynila.

Ayon sa mambabatas, tiwala siya sa kakayanan ng newly-appointed Ombudsman at gagawin nito kung ano ang tama base na rin sa hinihiling dito ni Pa­ngulong Rodrigo Duterte, na magampanan nang mahusay ang kanyang bagong tungkulin at responsibilidad.

Paalaala ni Atienza, base sa isinasaad ng Saligang Batas, ang Ombudsman ay mayroong kapangyarihan na “to investigate on its own, or on complaint by any person, any act or omission of any public official, employee, office or agency, when such act or omission appears to be illegal, unjust, improper, or inefficient.”

Kaya naman hindi umano biro ang papel na hahawakan ngayon ni Martires at marapat lamang na sa halip na batikusin ay bigyan ito ng inspirasyon at makatanggap ng buong pagsuporta ng nakararami.

Base sa record ng Mababang Kapulu­ngan ng Kongreso, nakatatanggap ang Office of the Ombudsman ng umaabot sa hanggang 9,000 na bagong criminal at administrative complaints laban sa umano’y mga tiwaling opisyal o tauhan ng gob­yerno kada taon.

Nitong 2017, nasa 2,447 na mga kaso ang pormal na naihain ng anti-graft agency sa Sandiganbayan; nakapagdinig ng 3,153 fact-finding cases at tumanggap ng 30,917 requests for assistance.

Matatandaan na nitong nakaraang Hulyo 26 nang pangalanan ni Pre­sidente Duterte si Martires na siyang kahalili ni former Ombudsman Conchita Carpio-Morales, na nagtapos ang pitong taong termino sa nasabi ring petsa.

Si Martires, na nasa edad 69 taong gulang, ang kauna-unang appointee ni Pangulong Duterte bilang associate justice ng Kataas-taasang Hukuman bago tinukoy bilang bagong Ombudsman chief. ROMER R. BUTUYAN     

Comments are closed.