INIHAYAG ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na sila ay magsasagawa ng mga bagong pag-aaral upang mabawasan ang mabigat na daloy ng traffic sa EDSA.
Hinihiling din ng MMDA ang pang-unawa ng publiko sa kanilang provincial bus ban sa EDSA.
Umani ng katakot-takot na batikos ang MMDA simula noong nakaraang linggo matapos na ang mga commuter ay naipit sa traffic ng ilang oras nang sila ay maghigpit sa yellow lane policy para sa city buses at napasabay pa rito ang kanilang dry run sa provincial bus ban sa EDSA.
Ayon kay MMDA General Manager Jojo Garcia, ang layunin ng dry run ay upang mabawasan ang may 3,400 provincial buses sa EDSA at kinakailangan na ang kanilang mga pasahero ay kanilang ibaba sa interim integrated terminals.
Pahayag pa ni Garcia na ang mga intergrated terminals para sa mga provincial buses ay polisiya na noon pang panahon ni dating Presidente Benigno Aquino III at ipinagpatuloy naman ni Presidente Rodrigo Duterte.
“We are not experimenting. Panahon pa ni PNoy, naglabas na sila ng integrated terminal,” pahayag ni Garcia sa Senate hearing kahapon.
Ayon pa kay Garcia, marami sa mga bus firm ang hindi sumali sa dry run na kanilang isinagawa dahil sa preliminary injunction na inilabas ng Quezon City court sa bus ban.
“If we remove half of those [buses] sa EDSA, iyang mga bus na iyan kaya nating i-schedule natin kasi maluwag na,” ayon kay Garcia.
“[On] paper, the way I present it, maganda sa dokumento, but how can we know if it’s effective kung ‘di natin ida-dry run? How can we give a chance sa mga ganitong policy na ang iniisip natin ‘yung mga commuters?”dagdag pa ni Garcia. MARIVIC FERNANDEZ