BAGONG PALARO RECORDS KAY MOJDEH, DEAN

Micaela Jasmine Mojdeh

LUMANGOY si Micaela Jasmine Mojdeh ng Region 4-A ng dalawang  gold medals, ang isa ay record-fashion, sa swimming competition ng Palarong Pambansa nitong Biyernes sa Cebu City Sports Center.

Si Mojdeh ay naorasan ng 2:41.75 sa girls 13-18 200m breaststroke upang burahin ang 2:43.08 na naitala ni Xandi Chua noong 2019.

Tumapos si Beatrize Maria Mabalay ng Region 5 sa ikalawang puwesto sa oras na 2:44.51, kasunod si Gabriel Marie Sapinit ng Region 4-A (2:48.18).

Nanguna rin si Mojdeh sa 200m Individual Medley sa oras na 2:26.68. Nagkasya si Kacie Gabrielle Tionko ng Region 7 sa silver sa oras na 2:31.96, habang nakopo ni Patricia Mae Santor ng National Capital Region (NCR) (2:32.03) ang bronze.

Nagwagi ang Region 4-A ng dalawa pang  gold medals mula kina Ethan Manuel Elimos at Peter Cyrus Dean.

Naorasan si Elimos ng 2:28.23 sa boys 7-12 200m IM upang gapiin sina  Prince John Namoc ng Region 10 (2:29.31) at Christian Isaiah Lagnason ng Region 12 (2:30.16).

Samantala, nadominahan ni Dean ang boys 13-18 200m IM sa oras na 2:12.14, binura ang  2:12.58 mark ni Philip Joaquin Santos na kanyang naitala noong 2019.

Naorasan si Anton Paulo Dominick Della ng Region 1 ng 2:16.62 upang kunin ang silver medal habang nilangoy ni John Kyan Ramones ng Region 4-A (2:17.73) ang bronze medal.

Samantala, nakakolekta ang NCR ng tatlong gold medals mula kina Ashton Clyde Jose, Sophia Rose Garra at Rielle Aishlyn Antonio.

Nanalo si Jose sa boys 13-18 200m breaststroke sa 2:26.94. Pumangalawa sa kanya si Rafael Cyron Ole ng Region 4-A (2:27.84), sumunod si Kaden Gabriel Sy ng NCR (2:28.25).

Naorasan si Garra ng 2:33.30 upang magwagi sa girls 7-12 200m IM kontra Czarina Cavite ng Region 11 (2:43.31) at Eunice De Guzman ng Region 3 (2:44.82).

Nadominahan ni Antonio ang girls 7-12 50m breaststroke sa oras na 37.47.

Kinuha ni Gabriel Louse De Leon, mula rin sa NCR, ang silver sa 38.04 habang hinablot ni Kelli Marie Gillian Dimzon ng Region 8 ang bronze sa 38.46.

CLYDE MARIANO